KUNG INACTIVE SA showbiz, super active naman si Chuckie Dreyfuss sa Twitter world. “Pumapalag” siya sa naging attitude ni Willie Revillame sa kasagsagan ng pagma-macho dancing ng 6-year old na si Jan Jan sa Willing Willie.
Kabibiliban mo si Chuckie, dahil consistent siya sa kanyang disgusto sa ginawa ni Willie sa bata. Sumasabay siya kina Lea Salonga, Mylene Dizon, Agot Isidro, Jim Paredes, Aiza Seguerra, Monique Wilson, et al.
Maaari naming sabihing “over kill” na ang ginagawa ni Chuckie, pero kakikitaan mo ng consistency sa kanyang ipinaglalaban.
Hindi siya tinitigilan ng kampo ni Willie, hindi rin niya tinitigilan ito para “turuan ng leksiyon” ang mga ito sa pamamagitan ng pagpo-post ng “tamang attitude” in life.
HONESTLY, HANGGA’T MAAARI, hindi namin “isusumpa” si Willie. Mas iniintindi namin kung saan nanggagaling si Willie kumba’t nagawa niya ‘yon sa bata.
Pupuwedeng nakatuwaan lang niya, dahil noon lang niya nadiskubre na marunong palang mag-macho dance ang bata, du’n siya bumangka para mabigyang-kasiyahan ang mga audience.
Pero nawala sa isip ni Willie na pupuwedeng paratangan siya ng audience na inaabuso ang kainosentehan ng bata.
Mas tinitingnan namin nang may lawak ng pang-unawa ang ginawa at pinanggalingan ng attitude ni Willie.
Hindi naman din kami perfect, eh. May mga pagkakataon din namang may mga kapalpakan kaming naipapakita sa harap ng telebisyon.
O, meron din kaming nagagawang pagkakamali na hindi namin namamalayan na mali na pala.
Kaso nga, hindi pare-pareho ang utak ng mga tao, eh. ‘Pag mali ka, isusumpa ka. Dahil nasa telebisyon ka, ang inaasahan ng mga televiewers ay gumawa ka nang tama, dahil ‘yan ang gusto naming mapanood.
Pero ‘pag gumawa ka ng kagaguhan, may katapat na opinyon din ‘yan. Eh, kami naman, i-lambeses na ring “nadulas” on air noon sa aming morning show?
Ilang beses na rin kaming “pinukol” ng panghuhusga ng mga tao na ang akala mo nama’y nakapatay kami ng tao sa aming pagkakamali.
Kaya sa puntong ito, gusto lang naming payuhan si Willie na mali ang kanyang ginawa.
At i-admit na lamang niya na nagkamali (kahit sa kanyang sarili ay wala siyang intensiyong saktan ang damdamin ng mga magulang na nanonood) na may pangakong hindi na ‘yon mangyayari uli.
Lalo lang sigurong umigting ang galit ng mga tao, dahil “hindi umurong” sa laban si Willie. Lumaban lalo ito at dyinastifay pa ang nangyari at nandamay din ng iba pang show na according to him ay nang-e-exploit ng mga bata.
So, ‘pag ganito, hindi na talaga ‘to matatapos. Wala nang katapusang usapin ito, bagkus lalo lang siyang isusumpa ng mga tao.
If I were Willie, magpakumbaba na lamang, humingi ng paumanhin sabay ng pangakong wala nang gano’ng eksena sa susunod.
Kung mali kami sa opinyon naming ito, una na ang aming paumanhin.
“NAHIHIYA PO AKO, eh!” ‘Yan ang nasambit ni Cristine Reyes nu’ng itanong namin sa kanya kung ‘pag nagkita ba sila ni Sarah Geronimo ay sasabihan niya itong manood ng suspense-horror movie niyang Tumbok sa May 4?
“Basta po, nakakahiya. Saka ‘pag nagkikita kami, hindi naman kami masyadong nag-uusap. Hi, hello lang kami, tapos, small talk lang, ganu’n lang!”
Aminado naman si Cristine na ‘yung movie nga nina Sarah at Gerald Anderson ay hindi rin niya napanood, so nagpapakatotoo lang si Cristine sa kanyang sinabi.
Eh, kung mahilig din sa horror si Sarah, baka nga lihim din nitong panoorin ang Tumbok, ‘di ba?
Oh My G!
by Ogie Diaz