SIGURADO NAMANG KAHIT na sino’ng sasama sa parada ng mga pelikula sa Metro Manila Film Festival na sisimulan after lunch, eh, magiging lantang gulay na pagdating ng gabi, dahil nga sa pag-ikot muna ng mga floats ng pitong entries hanggang sa isang programang magtatampok sa lahat ng kasaling aritsta para sa bawat pelikula.Kaya nga, ang Ate Ara (Mina) na ni Cristine Reyes ang nag-decide at nagplano na sa isang hotel na lang na malapit sa Roxas Boulevard sila mag-check-in on the 24th para nga naman hindi mangarag sa traffic si Cristine kung sakali na sasakay sa float ng pelikula nila ni Bossing Vic Sotto sa Ang Darling Kong Aswang ng OctoArts Films.
Aminado rin si Cristine na malamig ang Pasko niya pero hindi naman daw niya ito alintana dahil kasama niya ang buong pamilya niya sa pagse-celebrate nito.
If there’s one wish na gusto ni Cristine na iregalo sa kanya ng mga tao, ‘yun eh, ang tigilan na siyang isabong sa mga kasama niya sa trabaho. Gaya ng pinasimulang intriga sa pagitan nila ni Heart Evangelista.
Matagal na raw na naisara ang chapter ng buhay nila ni Dennis Trillo. Kaya bakit daw inuungkat pa ito at ang mga matagal nang nangyari? Nakapagsimula na nga raw siyang maka-move on. Kaya sana raw eh, huwag na siyang bigyan ng mga kaaway dahil wala raw siyang planong maging kaaway ng mga kasama niya sa industriya.
SA GENERAL PRESS conference ng Mano Po 6: A Mother’s Love kung saan nagsidalo sina Zsa Zsa Padilla, Heart Evangelista at iba pang kabataang kasali sa pelikula, may nakapuna sa aktor na si Dennis Trillo. Na tila raw iniwasang kapanayamin ng karamihan sa mga members ng press na nagsidalo roon sa Imperial Palace Hotel function room.
Sabi ng isang reporter, bakit naman daw kailangan pang interbyuhin si Dennis eh, parang kinalimutan naman nito ang mga press sa kanyang ginanap na get-together (with Marian Rivera at iba pang kasama under Popoy Caritativo’s management). Eh, ‘di dapat lang daw siguro na ang mga kumausap sa kanya, eh, ang siya rin lang nilang binigyan ng importansya ng kanyang manager at co-artists na inaalagaan nito.
Hindi ako ang may sabi niyan-although wala nga kami sa nasabing Christmas get-together. Pero, hindi na nga inabot ng interbyu ko si Dennis, kasi may iba pa akong lakad na hinahabol that night. And sa tingin ko mas importante naman ‘yon dahil sa isang proyektong ima-mount namin na may kinalaman sa mga angels – for a good friend and artist named Rens Tuzon.
For sure, about Cristine Reyes na naman ang pag-uusapan. Uyam na uyam na kami!
ANG INAABANGAN NA sa pagpasok ng 2010-hanggang sa Year of the Golden Tiger sa February 14 eh, ang pagbabalik ng naging kontrobersyal na aktres na si Katrina Halili.
Sa tema ng sagot nito sa tanong kung patatawarin na ba niya si Hayden Kho, sinabi ng aktres na tao lang naman daw siya para hindi magpatawad. Pero itutuloy pa rin daw niya ang kaso laban kay Hayden dahil may kailangan naman itong panagutan sa batas.
Pero siguro nga raw, konting panahon pa at malamang na may tweak kundi man twist sa nasabing isyu.
Nabanggit din kasi ni Katrina na hindi masasabing malamig ang Pasko niya. So, may nagpapainit na nito?
Kapag ganyan ang tema ng mga salita, natural daw na napo-focus sa iba ang atensiyon ng gaya niya. Kaya, may posibilidad ba na makalimutan muna sandali ang kaso niya kay Hayden?
The Pillar
by Pilar Mateo