BLIND ITEM: ANG tawag ngayon sa isang TV personality ng kanyang mga kaibigan ay “Ms. Fully Booked!” Bakit nga ba?
Eh, pa’no kasi, kung sinu-sino ang nababalitaan nilang idine-date nito, kaya ‘pag minsang nag-iimbita ang mga friends para magkatsikahan lang sila o gumimik, aba, walang oras si Girl.
Tapos, mababalitaan na lang nila, kasama pala ang isang aktor.
“O, bago na naman? Nu’ng isang araw, si ____, tapos, nu’ng isang araw, si ___ naman. Kalokah! Fully booked ang beauty ng aming friend!”
Baka naman walang nangyayari?
“Hindi rin. Kakaiba rin si Ms. FB, ‘Day! Makati rin ‘yang lola mo! At kahit sinong lalaki, hindi tatanggi sa kanya, ‘no!”
Hay, nako… Kung ako dito sa girl na ‘to, magsisimba ako nang taimtim. As in taimtim. As in bonggang-bonggang taimtim.
O, BAKA MA-SHOCK kayo at malito ‘pag napanood n’yo ang Tumbok sa May 4, ha? Maaari kayong mawirduhan o maaliw, depende sa dating sa inyo ng suspense-horror ng Viva.
Ngayon pa lang, lilinawin ko na, ha? Mag-asawa roon sina Cristine Reyes at Carlo Aquino. Pero alam n’yo ba kung sino ang gumanap na nanay ni Carlo?
Sirit? Si Ara Mina?
Na sa tunay na buhay ay kapatid ni Cristine at sa pelikula, biyenan na niya ‘to.
O, ‘di ba? Kung sa tunay na buhay lang ‘yan, baka hindi lang “nanay” ang turing ni Carlo kay Ara. Baka “humirit ng isang tumbok” itong si Carlo sa ate sa tunay na buhay ng leading lady niya sa Tumbok.
‘Pag nakita namin ‘tong si Ara, itatanong namin talaga sa kanya kumba’t siya pumayag na gumanap bilang ina ni Carlo. At ano? Pinatanda ba nang konti ang itsura niya?
Ano kaya’ng irarason dito ni Ara?
Dahil ba parang launching movie ito ni Cristine, kaya siya pumayag?
So sa susunod pala, puwede nang maging nanay na ni Cristine ang ate niya sa movie, gano’n ba?
HAY, SALAMAT! KUNG hindi talaga sasagot sa amin si Stefano Mori, nenerbiyosin talaga kami. Baka nga totoong siya’y “dead” na.
Dahil ilan ang nag-tweet sa akin recently at tinanong kami kung totoong patay na si Stefano due to blood clotting. Kaya hinagilap namin sa google kung may balita.
Wala naman. Ibang Stefano Mori ang tigok. Sa facebook na lang namin hinanap at nag-message kami sa isang account na feeling namin, si Stefano ang may-ari, dahil na rin sa mga pictures.
After two days siguro, sinagot ang message namin: “Hindi po totoo ‘yun, kaka-graduate ko lang nitong October. Nag-stay ako d’yan sa ‘Pinas. Sabay kami ng mom kong bumalik ng Italy. Sa ‘Pinas me nag-aral!”
O, at least, buhay na buhay si Stef. Panatag na ang aming kalooban.
MUKHANG SA TWITTER ay napapansin naming tila “nagkakaigihan” uli itong sina Erik Santos at Rufa Mae Quinto. Me conversation sila na hinihingi nila ang tulong ng isa’t isa.
Kung matatandaan n’yo pa, naging sina P-Chi at Erik nu’ng araw. Inabot din sila nang matagal at feeling nila, sila na rin ang ending, pero nagkaisplitan din.
Ang alam namin ngayon, pareho silang “single”, kaya hindi na kami magtataka kung maibalik ang nakaraan nila.
Oh My G!
by Ogie Diaz