KUNG PANINIWALAAN O nakamamatay ang laksa-laksang paninira kay Cristine Reyes ngayon, malamang na isa NAng malamig na bangkay ang nakababatang kapatid ni Ara Mina.
Walang awat na yata siyang “binubugbog” ng mga dati niyang kaibigan. Dumating pa sa puntong “they are putting a lot of words into her mouth” na hindi na magmumukhang totoo. Chain reaction ang nagaganap. Iisipin tuloy na may malaking puwersa talagang sumusubok tibagin ang isang pader na unti-unti nang nagiging hadlang sa tuluyang pagsikat ni Cristine.
Buti na lang at may isang mahinahong Jake Cuenca na hindi naniniwala sa kanilang ipinagkakalat. Ganu’n din ang isang Angelica Panganiban na piniling manahimik dahil ayaw niyang magkaroon ng ano mang negatibong reaction tungkol sa mga kapwa niyang maligaya sa piling ng isang minamahal at tunay ring nagmamahal sa kanya. Ganyan talaga, eh. Kapag masaya ka, hindi mo na ie-entertain ang negative thoughts na makapagpapalungkot pa sa iyo. Pagmasdan n’yo ang mataray na taong walang habas kung magsalita ng mga ikakasakit ng damdamin ng kapwa. May mga problema sila sa buhay. May mga gahol na hindi maabot. Hindi naman kasi masasabing kung hihiga ka na sa pera o kung naabot mo na ang tugatog ng kasikatan, eh, masaya ka na. Karamihan sa mga ito ay “malungkot sa itaas.” They are lonely up there. Kasi, nag-iisa sila. Walang tunay na nagmamahal. Ang mga nasa paligid nila, hindi rin nila natitiyak na tunay na nagmamalasakit sa kanila, o sumasahod lang at nakikisawsaw sa kanilang tagumapay.
Naniniwala marahil si Cristine na kailangan na naman muna niyang manahimik. Nangyari na ito, kung inyong naalaala. Noong papasok pa lamang siya sa Kapamilya station, ang daming humarang sa kanya. Mga ambisyosang naghahangad na sana’y sila na ang naging Eva Fonda, at kasama nina Jericho Rosales at Carmen Soo sa Kahit Isang Saglit. At iyon nga, sa Banana Split noong hindi pa ito nagre-reformat. Noong hindi pa nagpapaalam si Cristine sa masayang show.
Kaliwa’t kanan din ang papuri sa kanya ng mga movie press, lalo na ng mga critics. Magaling siyang umarte. Kapatid nga siya ni Ara Mina na muntik nang mag-grand slam nang panalunan ang best actress award sa isang movie na sayang at hindi ko maalaala at the moment ang title.
Ang importante, may napatunayan na si Cristine. Ang mahalaga, may hahawi ulit sa humaharang sa kanyang tuluyang pagsikat. Paulit-ulit lang naman ‘yan. Sisirain, tapos, pupurihin. Ang maganda kay Cristine, nasa kanya pa rin ang mga taong nagtatanggol sa kanya noon at maging ngayon. Hindi ang mga ito ang nang-iiwan.
Isa pa nalalapit na naman ang paghuhukom. Sa gitna ng pananahimik ni Cristine, sasambulat na naman ang mga balitang tiyak na kakabog sa kanyang mga detractors. Ang mga pahayag ay manggagaling sa kanyang mother studio, ang Viva Films. Pruweba ang taas ng nalipad ng careers nina Anne Curtis at Sarah Geronimo. Maiiba pa ba si Cristine Reyes? She’s next in line, remember?
BULL Chit!
by Chit Ramos