UMALIS NA pala si Cristine Reyes sa kanilang tahanan sa Batasan Hills para lumipat ng tirahan na siya lang mag-isa at ‘di isinama ang kapatid at magulang.
Dati kasi ay magkapitbahay lang ang mag-inang Cristine at Mommy Frances sa Batasan Hills. Balita raw na kaya nilayasan ng actress ang dating tirahan ay para raw diumano lumayo sa mga kamag-anak dahil ayaw raw nitong pinakikialaman at ayaw rin daw diumano nito na laging pinupuntahan ng mga kapatid.
Ang nakagugulat na nakarating pa sa amin (kung totoo nga), na kaya raw nilayasan ni Cristine ang bahay sa Batasan ay dahil daw diumano sa nangyaring sampalan ng mag-ina?
Sinagot naman at itinama ni Ara Mina ang nasabing sampalan ng mag-inang Cristine at Mommy Frances. Sabi ni Ara, wala naman daw sampalang nangyari.
“Hindi naman sinampal. Ayoko na kasing magsalita ng anuman kasi may ongoing case kami. Kaya nga sa korte, sa legal na paraan ko na lang idinadaan kasi ang hirap eh,” depensa at katuwiran ni Ara Mina.
KUNG SI Kylie Padilla, ‘di pumayag makipaghalikan kay Dingdong Dantes sa bagong serye na pagsasamahan nila nina Lorna Tolentino na Pahiram ng Sandali dahil sa takot sa amang si Robin Padilla, si Lorna ay ‘di lang halikan kundi may love scene pa sila ni Dingdong sa serye na ididirek ni Maryo J delos Reyes.
Sabi ni Lorna, walang problema sa love scene niya kay Dingdong dahil alam niyang magaling na actor si Dingdong at mapagkakatiwalaan ang kanilang director.
Ang nasabing serye ang siyang ipinalit sa Haram na silang tatlong rin nina Dingdong at Kylie ang mga bida. Pero nanghihinayang si LT na ‘di natuloy ang Haram.
“Nakapaghihinayang lang na-shelve ang Haram. Kakaiba kasi ang kuwento nito. Pero dahil sa masyadong sensitibo ang topic, mas mabuti na rin sigurong iniurong muna ito. Kaysa naman marami ang magreklamo,” say ni LT.
Naging maganda naman ang ipinalit sa Haram na ayon na rin mismo kay LT, bagay na bagay raw ang takbo ng istorya kina Dingdong at Kylie.
Samantala, sa katatapos na Undas ay umiwas si LT sa maraming tao na pumupunta sa Heritage Park noong nakaraang Nov. 1. May nakatakda raw kasi siyang araw kapag pumupunta sa puntod ng yumaong mister na si Rudy Fernandez para raw tahimik at hindi magugulo ng mga tao kapag siya ay taimtim na nagdarasal.
“Naging tradisyon na namin ‘yon. Ang importante ay nakapupunta kami at nakapagdarasal nang maayos. Kahit naman hindi Undas, pumupunta kami kay Daboy. Kapag tahimik kasi, nakakausap mo ang mahal mo sa buhay nang maayos. Walang makadi-distract ng attention mo,” pahayag pa ni LT.
Hanggang ngayon, malaki pa rin ang paniwala ni LT na nandiyan pa rin si Daboy sa tabi niya para gabayan siya at ang kanilang mga anak at apo.
AMINADO SI Alex Gonzaga na nalungkot siya nang mabalitaan na hindi na muna siya magsi-shooting ng Lola Basyang, entry sana sa darating ng Metro Manila Film Festival sa December.
Dahil sa nangyari, matagal ding mababakante ang career ni Alex. Magpapahinga na lang daw siya para sa pagbulaga ng 2013 ay fully recharged na siya at handa na muling lumaban sa puyatan at iyakan sa taping.
Biniro tuloy siya na baka this time ay magkakaroon na siya ng time sa kanyang manliligaw. Natawa ito at saka sinabi na wala na raw tension sa mommy niya kung tumanggap man siya ng manliligaw. Feeling daw niya, tanggap na ng mommy niya na magpaligaw siya. Hindi na raw kasi ito nagsusungit kapag dinadalaw siya ng kanyang manliligaw.
Pero ang daddy daw niya, ‘di pa rin daw humaharap sa suitor niya. Kapag dumating daw ito at naabutan ang manliligaw niya, didiretso na ito sa kuwarto nang wala raw reaction.
Hindi raw talaga tanggap ng daddy nila na paligawan silang magkapatid. Kahit nga raw kay Direk Paul Soriano na boyfriend ng Ate Toni niya, ‘di pa rin daw mainit ang pagtanggap ng daddy nila rito.
Sa isang banda, hindi naman masisisi ang ama ng magkapatid na Toni at Alex dahil dalawa lang silang babaeng anak.
Sa isang ama, ‘di ganoon kadaling tanggapin na mag-aasawa na ang mga anak lalo’t mahal na mahal niya ang mga ito, lalo pa’t sila ay mga babae.
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo