ISTORYA PALA ng buhay ng dakilang ina ni Sen. Manny Villar ang nasubaybayan sa Maalaala Mo Kaya noong Sabado. At may part 2 pa ito sa darating na Sabado.
Puwede nang sabihin na kung may Nanay Dionesia si Manny Pacquiao, may Nanay Curing naman ang katukayo niyang si Manny Villar.
Pareho ring nagdaan sa hirap ng dalawang nanay. Posibleng mas dumanas ng hirap si Nanay Curing dahil siyam ang naging anak niya. Hindi iisang trabaho ang sinabakan niya. Naging modista, labandera, tindera ng isda at biyahera bago siya nagtagumpay sa negosyo. Tuwang-tuwa nga raw si Nanay Curing nang malaman niyang si Gina Pareño ang gumanap bilang matandang Nanay Curing, si Chin-Chin Gutierrez nang magdalaga at si Empress Schuck noong bata pa.
Nakaaantig ng damdamin na pinakikinggan na lang ni Nanay Curing sa halip na panoorin ang istorya ng buhay niya. Bulag na pala siya ngayon sa edad na 82 dahil sa sakit na glaucoma. Pero, hindi siya mapigil na magtrabaho pa rin dahil nakasanayan na ng katawan niya. Patuloy pa raw itong tumatao sa kanyang grocery sa Las Piñas, kasama ang kanyang mga tindera.
Pinarangalan pala siya ng Working Mom Magazine ng “Nanay Negosyante Award” noong 2005, at ginamit ng kanyang anak sa TV ads noong 2007 elections.
HINDI NA BAGO kay Cristine Reyes ang gumanap bilang aswang. Ginawa na niya ito sa katatapos lang ipalabas na Patient X kung saan title roler siya at katambal ni Richard Gutierrez. Naudlot nga lang ang pagkakaibigan nila ni Richard dahil dalawang Linggo lang silang nag-shooting at agad ipinalabas.
Tapos, lipat siya sa Ang Darling Kong Aswang kung saan si Bossing Vic Sotto naman ang kanyang leading man. Aswang uli ang role niya.
“Excited na excited po ako dahil nasa “title” ng movie po ako. Sa Ang Darling Kong Aswang at doon sa Patient X, ako talaga ang title roler. Magkasunod pa,” wika ni Cristine sa isang phone interview. “Naninibago po ako talaga at sa sobrang excitement nga po, pumayag ako sa lahat ng ipinagagawa sa akin ni Direk Tony Reyes. Binabali-baliktad nila ang pagkakatali ko dahil aswang nga po ako rito. Sabi nga po ni Bossing Vic, kitang-kita na labas na talaga ang ugat sa noo ko sa sobrang hirap at sakit, pero hindi ako nagrereklamo. May sakit pa ako noon, pero, kinaya ko. Umokey rin po ako sa kissing scene namin ni Bossing Vic. Pumayag din akong magpabuntis dito kay Bossing dahil, naging mag-asawa po kami at nanganak pa ako!”
Idinagdag pa ni Cristine, na alam niyang masakit ‘pag nilalagyan ng prosthetics ang mukha niya kapag aswang siya. Pero hindi siya nag-second thoughts na pumayag uli dahil may gusto siyang patunayan.
“Ang dami-dami nang intriga sa buhay ko, gusto ko namang masabi na professional ako. Na hindi ako maarte. Kahit isakripisyo ko ang mukha, lalo na ang kutis ko. Alam naman nating lahat na ito ang puhunan ng isang artist. Binale-wala ko iyon. Inisip ko rin na pang-Metro Manila Films Festival ito, kaya ibinigay ko na ang lahat.
“Nasulit naman at napuri-puri ako ni Bossing Vic. Importante sa akin na maipagtanggol ako. Kung sino pa ang hindi ko inaasahan na makaa-appreciate ng ginawa ko, siya pa itong kakampi ko,” excited niyang wika.
BULL Chit!
by Chit Ramos