GALIT NA GALIT ang aktres na si Cristine Reyes sa isang ‘di pinangalangang tao dahil daw sa mga paninira at pambabastos nito. Nakalagay sa facebook account ng aktres ang kanyang “shoutout” kung tawagin, ang kanyang sama ng loob sa naturang taong iyon. Sinabi pa ni Cristine sa naturang website na “matapos ang lahat, may mga taong may panahon pa para magsalita ng hindi maganda sa akin!”. Masamang-masama ang loob ni Cristine, pero hindi pa rin niya binunyag kung sino ang naturang taong yon. Buti na lang at ang kanyang mga kaibigan ay nandoon para damayan siya. Pinayuhan siya ng mga ito na dedmahin na lang ang taong ‘yun at mag-move na lang sa buhay niya.
Busy ngayon ang young actress sa kanyang pelikulang ginagawa ang Ang Darling Kong Aswang kung saan kasama niya dito si Vic Sotto. Entry ito sa darating na Metro Manila Film Festival sa Disyembre. At dahil alam naman nating malakas ang tabo sa takilya ni Bossing Vic, hindi malayong sumipa at kumita rin ito nang bonggang-bongga!
Pero bago pa man mapanood ng lahat ang pelikula nila ni Vic, ang Patient X muna ang mapapanood ng mga fans kung saan kasama niya si Richard Guttierez.
Naaawa rin kami sa kinuwento sa amin ni Yeng Constantino nang makasama namin siya sa Pateros para magbigay ng relief goods. Pati pala ang kanyang kapatid ay biktima rin ng bagyong Ondoy. “Nasa Marikina siya noon at na-stranded siya doon sa highway. Ang nangyari bale, tumaas ‘yung tubig hanggang dibdib. Tapos ilang beses na namin siyang kinokontak, hindi namin siya makontak. Dalawang araw yata ‘yun. Siyempre nag-alala na kami, tapos buti na lang at nu’ng kina-Lunes-an, tumawag na siya sa amin,” salaysay ng singer.
Pero pati pala ang kanilang bahay sa Montalban Rizal ay naapektuhan din. “Binaha rin ‘yung bahay namin sa Montalban, Rizal. Umabot din hanggang dibdib ‘yung tubig. Buti na lang naisalba ng pamilya ko ‘yung mga gamit namin,” pagpapatuloy ni Yeng.
Isang matinding panggising nga raw talaga ang nangyaring trahedya sa lahat ng Pinoy, ayon kay Yeng. Pero natuwa ang singer na makita ang pagtutulungan ng lahat para sa mga biktima. Panawagan lang ni Yeng, sana raw ay magtuloy-tuloy ang pagdadamayang ito at hindi lang dahil may bagyo. Nakaaaliw rin ang mga taga-Pateros dahil nang makita nilang nag-aabot na ng mga relief goods si Yeng, sabay-sabay ang mga itong kumanta ng ilang linya sa kanyang kanta na “Hawak Kamay”.
Sari-sari ang mga reaksyon na nakukuha namin tungkol sa pagbubukas ng Pinoy Big Brother Double Up noong Linggo. Halo-halo ang reaksyon — may mga natuwa, may mga nainis, at may mga na-disappoint din. Siguro dahil mataas na ang expectations ng viewers dahil pangatlong installment na ito ng Endemol franchise — kaya todo na ang ineexpect ng mga viewers. Pero gaya nu’ng Season 1, bigyan natin ng chance ang Double Up na mapanood kasi I’m sure maraming twists at sorpresang inihanda ang programa para mas lalo pa itong mapaganda. Hindi rin naman sila papayag na hindi rin magdo-double up ang level ng kanilang show, ‘di ba?
by Parazzi News Service