Nag-celebrate ng kaarawan kahapon. Hindi namin naging ugali ang itanong sa kanya kung ilang taon na siya. Mas ang nakukuwenta namin ay ‘yung from 1987 hanggang sa kasalukuyan.
Juice ko, how time flies, ‘no? May 22 years na pala kaming “mag-ina” ni Ate Cristy. Nagsimula kaming alalay niya sa Movie Patrol sa GMA-7, proofreader sa kanyang Mariposa Publications hanggang sa naging writer, columnist niya at eventually, naging editor ng isa sa mga fan magazines niya.
Naku, mauubos ang aming espasyo kung magno-nostalgia pa kami. Wala lang. Hindi lang namin ma-imagine through her guidance, eh, naabot namin ang hindi namin akalaing maaabot pala namin.
Si Ate Cristy ang nagbigay ng “buto” sa amin. Ibinaon namin sa lupa. Inalagaan. Pinayabong. Pinalago. Naks, puwede na pala kaming “hardinero.” Hehehe.
Birthday ni Ate Cristy kahapon, July 23. Nako, ayaw ng lola n’yong maghanda na. Parang hindi na raw bagay sa edad niya. Gusto na lamang niya, pamilya niya ang kasama niya.
Puwede ba ‘yon sa mga kaibigan niya? Kaya kami tuloy ay “nakuntsaba” sa isang “plano.” Nu’ng July 22, ipina-set up ni Tates Gana sa labas at loob ng Mga Obra Ni Nanay (art gallery) ang mga tables and chairs.
Kaya pagdating ni Ate Cristy nang before 4 P.M., na-shock siya. Hindi na siya makatanggi. “Sabi ko pa naman ke Tina,” sa personal assistant niya, “’Wag kang makikipagsabwatan sa mga gustong magbigay ng party sa akin, dahil walang celebrant na sisipot!”
Hindi ba naman sisiputin ni Ate Cristy ang tinagurian niyang “second home,” ang kanyang art gallery shop, eh, ‘yun ngayon ang kanyang “pinagkakaadikan”?
Kaya ayun, tumambad sa kanya ang mga friends hanggang sa salubungin na ang kanyang kaarawan kinabukasan.
Kung kilala namin si Ate Cristy, kaya ayaw na niya ng party, eh, gusto na niyang tanggapin ang katotohanang, “Baka naman ngayong wala na ‘kong radio show at talk show, kumonti na lang silang darating.”
Nagkamali si Ate Cristy. ‘Yung mga gusto pa niyang tao ang nakita niya nu’ng gabing ‘yon na mereseng me radio show o TV talk show siya, wala silang pakialam. Kaibigan pa rin sila.
Anyway, happy, happy birthday, Ate Cristy. Lagi naming sinasabi sa ‘yo, bihira man tayong magkita at magkausap, eh, lagi kaming nandiyan para sa ‘yo.
Kahit pa dumating ‘yung time na wa mo na kami feel o hindi mo na kami feel maging kaibigan, wala kaming pakialam. Basta susubaybayan pa rin kita at meron na kaming ipinangako sa aming sarili na balang-araw, ikatutuwa mo nang bonggang-bongga.
Gusto lang naming patunayan sa ‘yo na hindi ka nagkamali ng taong tinulungan mo nu’ng araw.
Maging sino ka man, mahal ka namin!
Oh My G!
by Ogie Diaz