SA TOTOO LANG, malaki ang naiambag ni Cristy Fermin sa TV5. Nagbalik-sigla uli ang showbiz sa pagpasok niya sa Kapatid network. “Ang sabi nila umingay raw, talaga namang literal na maingay ako. Siguro nandu’n ‘yung elemento ng pagka-sopresa at pagkasabik… Kasi, isang taon at pitong buwang hindi nila ako narinig at napanood kaya nang pumasok ako sa “Juicy” parang na-revolutionize, parang Mariposa, parang ganu’n. Hanggang nagkasunud-sunod na nagkaroon na ng “Paparazzi” tapos lumipat pa si Willie Revillame dito na mas nagpaningning sa bakuran ng TV5. Tapos, ‘eto na ‘yung “Star Confession” na ipinagkatiwala sa akin na tumutukoy sa buhay ng mga artista. Ang sentro nito, hindi ito parang “Magpakailanman”. Hindi rin ito “MMK”, kasi ang tutok nito’y buhay ng mga bituin at iba pang personalidad na sumikat sa kani-kanilang linya, ‘yun ‘yon.”
Naging controversial ang mga blind items ni Cristy sa show niyang Juicy at Paparazzi na kinagigiliwan ng mga manonood. “Ang sabi nila, sa “Juicy” daw nu’ng umentra kami nina Mo Twister at Shalala, kami na naman ang nagpauso nang pagba-blind item, kasi maraming takot sa blind item. Ang hindi nila alam, ang blind item ay madaling laruin lalo na kung totoo ang bina-blind item mo. Ang mga artista, alam naman nila kung sila, ang bini-B.I. Alam naman nila kung sila’y sangkot at hindi sila naiirita dahil alam nilang totoo ‘yun. Ang blind item ay pangit lamang kung iniimbento. Kapag totoo, pinagtatawanan ng artista ‘yan. Kaya nauso sa “Juicy” tapos sa “Paparazzi” – Hulala – tinututukan talaga, nang-huhula talaga ang mga tao.”
Sa pagiging totoo ni Cristy kay Willie, naging matalik silang magkaibigan. “Totoo talaga ako sa kanya dahil kapag nagkakamali, nababasa ninyo naman pinipitik ko siya. Pero kapag tama naman ipinaglalaban ko nang patayan. Katulad nito nanggagaya, wala namang original na konsepto, orihinal na tao lang, so ako talaga nandu’n ako sa paninindigan kong hindi nanggagaya ang “Willing Willie” sa “Wowowee.” At walang ginaya ang Willing Willie sa Wowowee dahil kung paiiralin natin ang paggagayahan, si Pepe Pimentel ang tumayo rito at may dalang tabak at sasabihin na ako ang orihinal ng “Kuwarta o Kahon”.”
Sinasabing malaki ang naging bahagi ni Cristy sa buhay ni Willie bilang matalik na kaibigan at adviser nito. “Hanggang suggestion lang naman ‘yun. Ang suggestion, puwedeng i-fail o puwedeng pagbigyan. Si Willie pa naman ang klase ng taong napaka-sensitibo pagdating sa trabaho. Pagdating sa linya ng trabaho, parang si Korina Sanchez ‘yan, may sungay. Gusto niya, perpekto, kasi perfectionist sila. Sa mundong ito, walang perpekto pero sa kanya nearest to perfection okey na sa kanya ‘yun.Pero paglagpas niya ng studio, isang bagong tao ang makikita mo. Pagdating sa trabaho talaga, mahigpit siya pero kapag nag-closing na ang isang programa, back to normal. Isang taong ma-puso. Isang taong maunawain, halos isusubo na lang ibibigay pa sa iba.”
Sa mga bagyong dumaan kay Cristy, wala na yatang hindi kakayanin ang pamosong writer/TV host sa mga intrigang ipupukol pa sa kanya. “Kasi ako, ang ano ko naman, maging totoo. Palagay ko, ‘yun ang naging dahilan kung bakit ako tinanggap pa ulit. Kapag ikaw naman nakilaro sa buhay, hindi ka naman tatanggapin kasi wala namang aasahan sa ‘yo. Pero kapag totoo ka… siguro ‘yun din ang dahilan kung bakit tinanggap uli ako, ‘yung pagiging totoo. Maraming nagagalit, natural lang ‘yun. Siyempre, hindi mo rin maaasahang lahat sasang-ayon sa sinasabi mo, pero sa sarili ko hindi ako answerable to anything. Kasi alam ko, hindi ko dinaya ang manonood ko. Hindi ko dinaya ang tagapakinig ko at lalong higit na hindi ko dinadaya ang sarili ko, sapat na sa akin ‘yun.”
Mga intriga’t controversy, paano hina-handle ito ni Cristy? “Kakambal na yata ng inunan ko ang controversy. Bawat sabihin ko may nagri-react. Bawat gawin ko, may nagkokomento. Natural ‘yun, sabi ng professor ko sa journalism. Kapag daw sumulat ka, kailangan kapag malungkot, magpa-
hagulgol ka. Kapag co-medy ang sinulat mo, dapat daw humahalakhak ang tao. Kapag wala raw pumansin sa sinulat mo, umuwi ka na lang ng pro-binsiya at magtanim ng kamote, hindi ka effective. Hindi sa ikinatutuwa ko ‘yung masasakit, hindi ko wini-welcome ‘yung mga negatibo, pero may mga negative talaga sa mundo. Hindi natin puwedeng alisin ‘yun, talagang may negatibo. Laging always on the other side of the fence.”
Sa katatapos na Pasko at Bagong Taon, masasabing malungkot na masaya si Cristy dahil sa pagpanaw ng mahal niya sa buhay. “Masaya ako dahil kasama ko ang mga anak ko at mga apo ko. Malungkot ako dahil ito ang unang Christmas na wala na ang Nanay ko. Ang Tatay ko tatlong taon nang wala, pero iba ang Nanay kapag nawala, para kayong walis-tingting na maghihiwa-hiwalay, napakasakit kapag Nanay ang nawala,” aniya.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield