“‘DI MAKATULOG sa gabi sa kaiisip…” napapakanta ka ba? Ito ay OPM song na nauso noong 90’s. Alam natin ‘yan! Siyempre batang 90’s yata tayo. Bakit ako napakakanta? Dahil ito ang theme song ng buhay natin kapag mayroon tayong crush. Isa na siguro sa pinakamasarap na pakiramdam sa mundo ang magkaroon ng crush. Nauuso ito sa panahon ng pagbibinata o pagdadalaga o sabihin na lang nating “buhay bagets”.
Anu-ano nga ba ang senyales na may crush ka na?
1. Lagi mong tinitignan kung nag-text na ang crush mo.Kahit ‘di man nag-vibrate o tumunog ang cellphone mo, ugali mong i-check ang inbox mo maya’t maya sa pag-aasam na makatanggap ka ng text mula sa kanya. Kung tumunog man ang cellphone mo, pinagdadasal mo na sana siya na nga ang nag-text sa ‘yo. At kung siya na nga! Naku po, nagtatatalon ka na agad sa saya at abot langit ang iyong ngiti.
2. Kung sinubukan mong magpapansin sa crush mo sa pamamagitan ng pagte-text sa kanya at hindi siya nag-reply, pakiramdam mo katapusan na ng mundo. Sira na agad ang araw mo. Halos hindi na rin maipinta ang mukha mo.
3. Sa panahon naman na siya ay nag-reply sa iyo, kahit “k” lang ang sagot niya, sinisiguro mo na hindi ito mabubura sa inbox mo. At kahit bilang lang sa daliri ang mga text niya sa ‘’yo, paulit-ulit mong binabasa ang mga ito at hindi mo maiiwasan na mapangiti. At isinusumpa ko, hinding-hindi ka nga magsasawa kahit ilang beses mo pa ulit-uliting basahin ito.
4. Ini-stalk mo si crush buong araw. Isa sa dahilan kung bakit napupuyat ang mga bagets ngayon dahil sa magdamag nilang pag-stalk sa kanilang mga crush sa social media. Bawat display picture sa Facebook ay kanilang tinitignan. Halos nga i-like n’yo na lahat ang kanyang mga posts. Sa Twitter naman, bawat tweet ni crush, inyo naman agad nire-retweet o kaya pine-favorite. Siguro guilty kayo, ‘noh? Pahalata naman kayong masyado, mga ate at kuya.
5. Nauubos ang papel ng likod ng notebook n’yo sa kape-FLAMES mo sa inyo ng crush mo. Halos hindi ka nga tumigil hangga’t hindi mo makuha ang M o Married. Ni-F o Friend nga, hindi ka makuntento. At hindi ka papayag kapag E o Enemy ang maging resulta. Sa mga bagets naman na hindi mahilig sa FLAMES, gusto nila hi-tech, kaya sa Love Calculator ang diretso nila.
6. Ngitian ka lang niya, buo na ang araw mo. Kung ‘di ka man niya pansinin, maya’t maya ubos na siguro ang tissue mo kaiiyak. Maaaring tumingin ka na sa salamin at tanungin ang sarili ng katanungan na “ano ba pa ba ang kulang sa akin para mapansin mo ako?”
7. Mauubos na ang tinta ng ballpen mo kadu-doodle ng pangalan ng crush mo. Kailan ba nag-doodle ang bagets? Siyempre kapag nag-day dreaming na. Ano ang nangyayari kapag sila ay nag-daydreaming? Siyempre iniisip nila na mapansin din sila ng crush nila.
‘Yan ang mga senyales na kapag ikaw ay may isang matinding paghanga sa isang tao o crush sa madaling salita. Walang masama magka-crush. Masaya rin namang kiligin paminsan-minsan. Pero dapat panatalihin na maging magandang inspirasyon ang crush mo at hindi maging dahilan ng iyong depresyon sa buhay.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo