PUMALAKPAK ANG mundo sa matagumpay na landing sa Mars ng US nuclear-powered space rover Curiosity ilang linggo na ang nakararaan. Mahigit na walong buwan at 500 million kilometers ang ibiniyahe ng space rover para marating ang Gale Crater ng planeta. Mahigit na $2.5-B ang nagastos sa misyon. Ang pakay ng misyon ay alamin kung may tubig o buhay sa Mars.
Kahanga-hanga ang katalinuhan ng tao sa pagsasaliksik sa mga misteryosong bagay sa outer space. Ang budget na ginastos ay katumbas ng ating national budget sa loob ng 1,000 taon. Subalit tsiken pid ito sa isang super-power.
Kamakailan, nalathala na mahigit 200 milyon ang alipin ng gutom at sakit sa buong mundo. Kasama na rito ang nagugutom sa ating bansa. Pinakamalaking pinsala ay mga African states, South America at Asia-Pacific. Mga four clips ng ganitong dambuhalang kahirapan ay pinakikita tuwina sa news leader CNN.
Pumalakpak ang mundo. Nagbunyi ang scientific community. Ngunit sa aba kong katauhan at pag-iisip, may bumabagabag. Ang budget sa Curiosity Rover ay maaari sanang magamit sa paglaban sa kagutuman ng mundo. Kabaliwan na para lang malaman kung may tubig sa Mars ay gagastos ng ganyang kadambuhalang halaga. Bilyun-bilyon pa ang nagagastos sa space explorations. Nakatulong ba ang mga ito sa pagpapabuti ng buhay sa ating mundo? Kung malamang may tubig sa Mars, eh ano ngayon? Magma-migrate tayo? Kabaliwan.
‘Yon lamang ang hamak kong pananaw. Sa kaibuturan ng aking simpleng pananampalataya, batid ko na walang ibang buhay na nilkha ang Maykapal sa outer space. Tayo lang. At sa pagmamahal Niya sa atin, ibinuwis Niya ang buhay ng kanyang kaisa-isang Anak sa ating kaligtasan.
SAMUT-SAMOT
NAKAPOPOOT ANG insidenteng kinasasangkutan ng isang Philip Morris executive at MMDA traffic aide kamakailan. Kitang-kita sa CCTV ang pagbubuhat-kamay ng executive sa traffic aide nu’ng sinita siya ng huli dahil sa isang traffic violation sa Quezon City. Bakit ganito kaabusado ang mga uri ng executive na ito? Alumnus pa naman ng Ateneo University. Buti na lang at sinampahan siya ng kaukulang kaso para maparusahan at madala. Kudos to Channel 5 for reporting the incident.
BAKIT GANITO kainutil ang ating law enforcers? Bakit kailangan pang laging magbigay ng reward sa makapagtuturo sa mga kriminal? Ano ang silbi ng kanilang intelligence funds? Naitanong ko ito dahil sa patuloy na pag-iwas sa kamay ng batas ng maraming high-profile criminals kagaya ni Gen. Jovito Palparan, Rep. Ruben Ecleo at Delfin Lee. Nakalabas na ba sila ng bansa? Ay naku, PNP Director-General Nicanor Bartolome, magtrabaho ka naman! Sayang ang aming isinusuweldo sa ‘yo.
LARGA NA ang kandidatura ni Aga Muhlach bilang congressman sa 4th district ng Camarines Sur. Makatutunggali niya si dating Rep. Wimpy Fuentebella. Battle royale ito! Subalit sabi sa initial reports, ahead pa si Fuentebella. O propaganda lang ito? Kaya, Aga kayod nang mabuti. ‘Di ka nakasisiguro kahit very popular ka. Ang mga Fuentebella ay mahal ng mga taga-Camarines Sur.
TILA NILALANGAW ang programa ni Sharon Cuneta sa Channel 5. Napakababa ng rating – at wala yatang pag-asang tumaas pa. Sabi nga ni dating Pangulong Erap: Weather-weather lang ang buhay. ‘Di lahat ng panahon, bida o superstar ka. May salita sa Pinoy na laos.
SAMANTALA SI Vic Sotto ay tila walang kalausan. Ilang dekada na ang Eat Bulaga program at humahataw pa. Ang Wil Time Bigtime show ni Willie Revillame ay nawawalan na ng following. Nakasasawa na ang comedy at game episodes. Walang creativity. Paunti nang paunti ang commercials. At ‘di malampasan ang rating ng Eat Bulaga. Nalalaos na ba si Willie?
PAINIT NANG painit ang debate sa sin taxes. Pabor ba kayo rito? Hati na naman ang sambayanan kagaya sa RH bill. Payag ako sa pagpapasa ng batas na ang layunin ay i-discourage ang paninigarilyo at pag-inom ng alak lalo na sa kabataan. Ang sigarilyo at alak ay pakawala ng demonyo. Maraming violence, away at basag-ulo ay dahil sa kalasingan. Bukod pa rito, kikita pa sa dagdag na buwis ang pamahalaan. ‘Yon lang, tatamaan ang ating tobacco industry. Bigyan ito ng tamang pananaw at kunsiderasyon.
SA WAKAS tumigil na ang katatalak si Sec. Leila de Lima. Ito’y pagkatapos ang madla ay nadismaya at nainis sa kanyang pagwawala nang ‘di naisali sa JBC list. Lumabas ang tunay niyang karakter.
MISTULANG BARYA ang sahod ng empleyado ng DOST. Bakit sila napabayaan? Napakahalaga ng kanilang tungkulin sa pagmo-monitor ng weather. Buti na lang at dagliang sumaklolo ang Pangulo. Pinalakpakan siya rito sa mga bihirang pagkakataon. Tingnan din ang suweldo ng mga guro. Karamihan sa kanila, lubog sa utang, naghihikahos sa buhay. Bigyan sila ng sapat na umento.
BATCHMATES KO sa industriya ay isa-isa nang nagpapaalam. Halos lahat sila ay kasing edad ko. ‘Di ko maalis na ako’y dapuan ng natural na pagkatakot. Tao lamang ako. Subalit sa pamamagitan ng pagdarasal, napaglalabanan ko ang takot. Wika ko, lahat tayo ay magpapaalam, sooner or alter. Lahat ng bagay, iiwanan upang husgahan ng Maykapal. Be not afraid!
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez