HINDI NATIN mapagkakaila na namumuhay tayo sa mundo ng Internet kung saan naghahari ang mga social networking sites na ginagamit natin tulad ng Facebook, Twitter, Instagram, YouTube at marami pang iba. Kaya nga lang, kasabay ng pag-usbong ng social media ay ang pagdami ng mga taong nagiging biktima ng tinatawag nating cyber bullying. Ito ay isang kinagawian na walang ibang intensyon kung hindi ang sadyang pananakit sa ating kapwa online.
Sinasabing ang Pilipinas ay isa sa may pinakamaraming naging biktima ng cyber bullying. Walang pinipiling edad o personalidad ito dahil mapa-bata o matanda, sikat o hindi naipapahamak ng cyber bullying.
“I am not informed” ni Christoper Lao
Na-trap ang kotse ni Christopher Lao sa isang kalsada dahil sa baha. Ito ay panahon ng tag-ulan, hindi niya napansin na ang pababang daan pala ay baha na kaso huli na ang lahat bago niya pa malaman dahil naipit na siya rito nang lusungin niya ito. Ang linyang ito ay naging sikat lalo na sa mundo ng internet nang dahil sa video interview na kumalat ni Lao na nagsasabing “I am not informed!” dahil katuwiran niya, walang sign posts na nagpapaala na baha na pala sa lugar na iyon. Ginawa siyang katatawanan ng mga tao dahil sa pagkakamaling ito. Kumalat ang iba’t ibang memes tungkol kay Lao na talaga namang below-the-belt kung manira.
“Amalayer?!” ni Paula Jasmine Salvosa
Matatandaan na naging viral sa Internet ang isang video ng isang pasehero ng LRT na nanggagalaiti sa galit sa security guard. Hindi nagustuhan ni Paula Salvosa ang pagharang sa kanya ng security guard. Itinatanggi ito ng guard kaya dali-daling ikinatuwiran ni Salvosa na “Amalayer?” o “I’m a liar?” Kasabay ng pagsikat ng “amalayer?” ay ang pagsikat din ni Salvosa. Maraming nagkalat ng edited photos sa Internet na binabatikos siya. ‘Yung iba naman ginawa siyang katatawanan.
Senator Nancy Binay
Noong nakaraang eleksiyon, ang pagtakbo ni Nancy Binay ay hindi nagustuhan ng karamihan sa mga Pilipino. Sinasabi nila na wala siyang karapatang tumakbo dahil wala pa siyang sapat na karanasan at nagtatago lang naman siya sa anino ng kanyang ama. Pero hindi lang iyon ang dahilan ng mga ibang tao kung bakit ayaw siyang patakbuhin sa eleksyon dahil pati ang kanyang kulay o ang kanyang pagiging maitim ay hindi rin pinatawad.
Charice Pempengco
Marami rin ang bumatikos kay Charice online dahil sa kanyang pabago-bagong style sa pananamit, sa buhok o sa kanyang buong kaanyuan. Hindi rin ito nagustuhan ng mga tao kaya ginawa siyang katatawanan. May mga kumalat sa Internet ng pagdidikit ng larawan ni Charice at ni Chuckie doll dahil sila ay naging magkahawig matapos ni Charice mag-experiment ng kanyang itsura.
IILAN LAMANG ‘yan sa mga biktima ng cyber bullying. Marami at parami nang parami pa ang napapahamak dahil dito. Pero, huwag nating itanggi. Ang pinanggagalingan naman ng aktong ito ay tayo rin mismo. Bakit? Kasi lahat tayo may ambag kung bakit nagiging viral ang isang post dahil sa ating iresponsableng pag-like, pag-share at pag-comment dito. Maging sensitibo naman tayo sa nararamdaman ng iba. Dahil anong malay natin, bukas makalawa, ikaw na rin mismo ang biktima nito. Kung ayaw mong maging biktima ng cyber bullying, huwag mong simulan.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo