0986797xxxx – Mr. Raffy Tulfo, dito po sa amin sa Laguna, kapag kukuha ka ng Police Clearance, si-singilin ka ng halagang P70.00 pero ang nakalagay sa kanilang resibo ay P20.00 lamang. Tinanong ko po kung para saan ang P50.00, ang dahilan po nila ay para mapabilis ang pagkuha at sandaling oras lamang ang paghihintay. Napakarami po naming kumukuha ng police clearance at sinisingil nila ng sobra. Sana po ay masugpo na ang kanilang maling gawain. Maraming salamat po.
0910474xxxx – Sir Raffy, nais ko pong isumbong sa inyo ang mga pulis ng San Pedro, Laguna. Kapag po sila ay nanghuhuli, paparahin ka at patatabihin sa gilid at kung anu-anong mga imbentong violation ang sasabihin. Kukunin po nila ang aming lisensiya at sasabihin na tubusin na lamang namin sa kanilang opisina. Ang masakit pa po ay walang tiket na ibinibigay kung hindi kapirasong papel lamang. Sana po ay matulungan ninyo kami na mapatigil na ang mga kawalanghiyaan ng mga pulis na ito. Umaasa po kami sa inyong agarang pag-aksyon sa aming problema.
0905479xxxx – Mr. Tulfo, gusto ko pong isumbong sa inyong programa ang mga pulis ng Balintawak papuntang Monumento. Sobrang kapal po ng mukha kung mangotong ang mga ito. Sana po ay mabigyan ng leksyon ang mga tiwaling pulis dito. Kayo lamang po ang naiisip namin na makakatulong sa amin. Maraming salamat po.
0907828xxxx – Idol Raffy, nais ko pong ireklamo sa inyo ang eskuwelahan ng aking apo. Siya po ay magtatapos na ng elementarya sa paaralan ng Binangonan, Rizal. Malaki po ang hinihingi ng eskuwelahan para sa graduation fee. Ang lahat daw po ng gastos ay aabot sa halagang P400.00. At kung hindi daw po makakapagbayad ng nasabing halaga hindi makakapagmartsa sa entablado para makapagtapos. Idol, sa katulad namin na naghihikahos ay napakalaking halaga na ito. Kaya kami po ay kumakatok sa inyong programa para mabigyang solusyon ang aming suliranin.
0912337xxxx – Mr. Action Man, ako po ay isang concerned citizen, dito po sa lugar ng 176, Caloocan City, ay nagkalat ang mga video karera na kinalolokohan ng mga menor de edad. Isinumbong na namin ito sa aming barangay pero nananatiling bingi at bulag ang mga ito. Napag-alamanan po namin na kaya walang nakakagalaw sa mga video karera sa aming lugar sa kadahilanan na ito ay hawak ng mga pulis. Malaki ang ibinibigay sa mga pulis kaya hindi nila ito puwedeng basta galawin. Umaasa po kami na matutugunan ninyo ang aming hinaing. Maraming salamat po.
0932391xxxx – Idol, Kuya nais ko pong ipaalam sa inyo ang mga kabulukan ng mga pulis sa aming lugar. Ang mga pulis dito sa Sta. Maria, Bulacan ay talagang mga imoral. Sila ang mga protektor ng mga saklaan sa aming lugar. Kahit saan ka tumingin hindi puwedeng hindi ka makakita ng mga iligal na pasugalan sa paligid. At ang pulis na nagroronda kunwari na mayroong body no. 386 ay paparada lamang sa mga bukas na kabaret. Sana po magkaroon ng karampatang solusyon ang aming problema.
Ang inyong mga sumbong ay masosolusyunan at mapapakinggan sa programang WANTED SA RADYO 12:30-2:00 ng hapon, Lunes hanggang Huwebes at 2-4pm tuwing Biyernes sa 92.3 News fm. At mapapanood sa Aksyon TV Channel 41.
Para sa inyong mga sumbong at reklamo mag-text sa 0917-7-WANTED o 0908-87-TULFO. Maaari ding magsadya sa aming Aksyon Center na matatagpuan sa 163-E Mother Ignacia Avenue, Brgy. South Triangle, Quezon City.
Shooting Range
Raffy Tulfo