NAGULAT SI VILMA Santos nang maraming miyembro ng media ang sumugod sa kapitolyo kahapon para ma-interview siya. She was just expecting a small group who regularly visit her once in a while sa Kapitolyo ng Batangas.
“‘Yon ang gusto ko pong linawin, puwede po ba?” aniya nga sa lahat ng mga movie reporters at TV crew na kaharap niya. “Iniiwasan ko lang po na ako ay mapagbintangan na ako’y nagpa-presscon.
“Ang original plan po ay ‘yon ngang may grupo ng press na tumatawag sa akin at nagpapasyal dito. Kaya lang, nagulat po ako na biglang naging… may network nang tumatawag.
“Hindi ko po ito presscon. Dumalaw po kayo rito. In fact I’m so sorry hindi ko kaagad kayo naharap kasi I was meeting with COA (Comission On Audit). Which means… I am working!” nangiting sabi pa ng aktres.
“’Yon lang naman ang akin. Umiiwas lang ako sa intriga because of the present situation. Tama po ba? Eh, mukha akong nagpa-presscon nito, eh,” aniya pa na ang tinutukoy ay mga microphones ng iba’t ibang TV network at mga recorders on top of the table sa harap niya.
Ano nga ba ang feeling niya na nandito na ulit at nakabalik na sa bansa ang nag-iisang arch rival niyang si Nora?
“Masaya ako, oo naman. Pero huwag na natin itong palakihin, ha! Kasi ang hirap ng posisyon ko. I hope you understand.
“Kasi ang posisyon ko… damn if you do, damn if you don’t. Me-ron akong magandang sabihin para sa kumare ko, sasabihin ang plastik ko. Meron akong hindi magandang sa-sabihin, ang sama ng ugali ko. Basta ang alam ko, magkausap kami when I was in L.A. Dahil manonood sana siya ng premiere night doon. Unfortunately hindi siya natuloy but I met all her friends. So hindi na kami nagkaroon ng communications since then.
“Eight years din naman siyang na-miss. And alam din naman natin kung gaano siya na-miss ng industriya. At malaking parte ng industriya si Nora Aunor. So definitely, I’m sure the movie industry is very very happy sa pagbabalik niya. Pero para mang-intriga pa sa akin, excuse me naman! Parang… 37 na po ako! Ha-ha-ha! Palagay ko… mature enough para sumakay pa. Alam mo ang ibig kong sabihin? Kesa isipin ko itong mga nang-iintrigang ito, e iisipin ko muna kung ano ‘yong problema dito sa Batangas. Kasi totoong buhay ito, eh. Wala itong camera.
“And eight years nawala si kumareng Guy… but I’ve been a public servant for fourteen years now. I’m just reminding them… hindi na nandidito para isali o mang-intriga pa. Ibinabalik nga ‘yong rivalry, e. And… definitely if it will make the industry healthy again or happy, why not? ‘Di ba?
“Kaya lang para ikumpara pa na… gagawa ng ganitong film, tinanggihan ni ganito… e wala po akong choice. Alam n’yo ang ibig kong sabihin? Hindi intensiyon na tumanggi ako. It’s just meron kasi akong other responsibilities. Para mabigyan iyon ng malaking isyu.
“Alam n’yo modesty aside, talaga pong maraming offers. In fact, meron pang isang project na gagawin pa sana sa Italy pero hindi ko nga matanggap. Kasi nga may commitment ako sa Star Cinema. Hindi nga puwedeng magdalawa ako nang sabay. Kasi nag-a-adjust din sila sa schedule ko. Usually weekend lang ang availability ko.”
Talagang until now, may anghang pa rin ang tapatan nila ni Nora.
“Palagay ko, napakasuwerte namin. Imagine, imagine forty o fifty years na kami sa industriya and yet napag-uusapan pa. Dahil ‘yong rivalry nga namin before ay hanggang nga-yon ibinabalik nila.
“And that is healthy. Kaya lang, lagyan naman natin ng konting maturity. ‘Yon lang naman ang pakiusap ko. Huwag naman ‘yong bumabalik tayo sa 70’s na parang… huwag naman kasi meron na rin tayong iba-ibang prayoridad at responsibilities. Which I guess at this point in time para entertain-in ko pa ang intriga, ipa-prioritize ko na lang muna ang meaningful life that I have now.”
A movie with Nora if in case may offer next year, okey sa kanya?
“Baka maintriga na naman ako niyan! Ha-ha-ha! Ayoko na ngang sagutin ‘yan. Babalik na naman tayo sa time and availability. Baka intrigahin. Huwag na lang. No comment. Kung sa willing, oo naman. Bakit naman hindi? Pero ‘yong… when? We don’t know. Talaga pong walang panahon sa ngayon.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan