MALAMANG NA MAWALAN, hindi lang ng magandang posisyon niya as Vice-President, kundi bilang isang matagal nang nagta-trabaho sa AMA Computer College si Ferdie Sia. At nanganganib din ang scholarship ng kanyang mga anak sa nasabing school.
Diumano, si Boss Vic del Rosario ang ka-deal ni Sia sa dadaluhang event ni Sarah Geronimo sa isang branch ng AMA sa Mandaluyong. Okay naman na ang lahat. May pirmahan pa raw ng kontrata, at noong July 8 dapat ‘yun.
Nang gabi’ng ‘yun namin natanggap ang balita sa hinaing ni Sia. Kinabahan na raw ito dahil hindi na siya sinasagot at inaangatan ng phone ni Boss Vic. Tinatawagan din daw ang handler ni Sarah na si Chai, pati na si Mommy Divine.
At nu’ng mismong araw na lang ng event nakasagot si Mommy Divine na nagso-sorry na raw dahil sa Bulacan daw sila pinapupunta ni Boss Vic. Sinabi na nga raw kina Boss Vic na malamang na ma-terminate sa trabaho nila ang kausap nila kung hindi makararating si Sarah. Pero para nga raw mga bingi ang tine-text at tinatawagan nito. Si Boss Vic daw ang nagbigay ng sked na from 9 A.M. to 12 noon si Sarah sa nasabing event ng AMA, at halos isang buwan itong inayos ng kausap niya and the very last minute eh, magba-back out. Ang text lang daw ng Chai eh, sorry dahil may conflict sa sked ni Sarah.
Sino na naman ang lalabas na masama sa pangyayaring ito? Sa mga naghintay sa AMA, pagkabigo na ‘di makita si Sarah. Sa mga taga-AMA, isang nilalang ang mawawalan ng pagkakakitaan. Damay pa ang mga mahal sa buhay.
Magdemandahan man sa pagitan nina Boss Vic at ng AMA-may mga masisira ng mga buhay.
NABASTUSAN NAMAN ANG komedyanteng si Arnel Ignacio sa mga kumausap sa kanya at nakipag-meeting para sa isang cooking show sa Kapatid na istasyon, sa TV5.
Ikinaloka na lang ni Arnel kasi na ni ha, ni ho, hindi na siya sinabihan ng mga kausap niya na napalitan na pala siya sa Celebrity Cookfest at sina Gardo Versoza at Wilma Doesnt na ang sasalang dito.
Siyempre, dahil akala ni Arnel na okay na ang usapan nila ng mga kumalampag sa nasabing show, nag-expect siya na matutuloy ito. Kaya, ikinaloka na lang nito na wala naman palang napuntahan ang mga pinagmimitingan nila.
Ang kay Arnel lang, sana raw eh, sinabi sa kanya na nag-iba na ang desisyon ng mga kausap niya at hindi na siya ang kukunin.
Hindi ‘yung bumulaga na lang sa kanya na magsisimula na pala ang show dahil ipina-plug na nga ang mga lalabas dito at kung ano ang magaganap sa nasabing palabas.
Eh, mas titindi syempre ang sama ng loob ni Arneli kung ang mga ideya na naitapon na niya sa meeting nila eh, siya rin palang gagamitin sa nasabing palabas. ‘Yun ang kaloka!
The Pillar
by Pilar Mateo