HINDI NA TALAGA mapipigilan pa ang unti-unting pagsikat ni Shalala dahil sa dami ng death threats na natatanggap nito araw-araw, dahil na rin sa kanyang mga blind item sa Juicy. Tsika nga ni Shalala nang makausap namin lately na inaalmusal, pinapananghalian at pagkain niya sa gabi ang mga text messages at tawag sa mga taong ‘di niya kilala at tanging numero lamang ang pumapasok sa kanyang cellphone na pulos pananakot ang ibinibigay na mensahe.
Nandiyang i-text siya ng: “Pu…… Ina ka Shalala, paglabas mo ng GMA-7, bubulagta ka na lang!!!” Meron namang: “Isang bala ka lang, mag-ingat-ingat ka!!!”, “Tang…. Ka! Tingnan mo ang binabangga mo?” Habang ang iba naman ay mensaheng sinasabing ipatatanggal daw siya sa GMA-7 radio programs niya at sa Juicy at Talentadong Pinoy kung saan regular siyang napapanood.
Tsika pa ni Shalala na marami pa raw ‘di magagandang mensahe at tawag ang nakararating sa kanya na talaga namang sagad sa buto ang banat. Kahit daw ang kanyang pamangkin na may sakit ay idinadamay na rin. Kaya naman dito na siya pumapalag at nakakapagbibitiw ng hindi maganda sa kanyang mga detractors.
Buwelta pa ni Shalala na siya na lang ang banatan at lait-laitin, ‘wag lang ang kanyang pamilya, dahil labas daw ang mga ito sa kanyang trabaho. Ayon dito, ipinapasa-Diyos na lang niya ang mga death threats na dumarating sa kanya. Naniniwala raw ito na kung oras mo na, at ‘yun ang nakatadhana, wala raw siyang magagawa kundi tanggapin ito.
MARAMI ANG NAGTATANONG sa amin kung totoo bang may insidenteng nauungusan na ng TV5 ang mga shows ng GMA-7 at ABS-CBN 2 kung ratings ang pag-uusapan. Ayon na rin sa ipinadala sa aming ratio ng percentage ng share ng mga viewers ng 3 higanteng networks, may araw na lumalamang sa ratings ang TV5, habang pumapangalawa naman ang GMA-7 at pangatlo ang ABS-CBN.
Base sa datos ng AGB-Nielsen Arianna, ipinakita ng Mega Manila Individual Ratings na talagang namamayagpag na ang TV5 sa weekend ratings. Noong nakaraang Sabado (Oktubre 2), sa primetime block mula 6PM hanggang 2AM, nalagpasan ng TV5 ang ABS-CBN at naging 2nd most watched network. Nagtala ang TV5 ng 26.9% audience share na mas mataas sa 19.9% ng ABS-CBN at sumunod sa 35% ng GMA.
Kapansin-pansin din na ang ang matibay na Saturday triumvirate na Who Wants to Be a Millionaire?, Talentadong Pinoy at Midnight DJ ay higit na pinanood at ang 6PM to 10PM Saturday timeblock ng TV5 ay nagtamo ng 30.6% audience share kumpara sa nakuhang 29.7% ng GMA at 24.5% ng ABS-CBN.
At dahil sa lakas ng hatak na rin ng tatlong malalakas na Saturday programs nito, umakyat sa No. 1 position sa parehong araw ang TV5 sa household viewerships, with a total of 30.6% household shares kumpara sa 29.7% ng GMA at 24.5% ng ABS-CBN.
AYAW NA RAW palakihin pa ng Tween Star at isa sa cast ng Tween Hearts na si Kristoffer Martin ang isyung sinabi raw nitong ayaw niyang maging katulad ni Enchong Dee na kapareho rin niyang varsity swimmer ng kani-kaniyang eskuwelahan. Ayon kay Kristoffer, iba naman daw kasi ang ibig niyang sabihin nang sabihin niya ito.
Kuwento ni Kristoffer na ang ayaw lang daw niya ay ang maisyu ring ‘bakla’ na isyu ngayon kay Enchong. “Sino naman po kasi ang lalaking gustong maisyung bakla? Wala, ‘di ba?” bungad ng star ng Tween Hearts.
Pero saludo raw ito pagdating sa pagiging magaling na swimmer ni Enchong at magaling na artista. Dagdag pa nito na malayo na ang narating ni Enchong sa larangan ng swimming kung saan maraming medalya na ang napanalunan nito at mas maraming magagandang proyekto, kung saan ipinakita ni Enchong ang kanyang galing sa pag-arte.
Samantalang siya raw ay nagsisimula pa lang at malayo pa kung ikukumpara sa estado at achievements na nakuha ni Enchong. Tsika pa nito na sa dami raw ng fans ni Enchong, baka raw away-awayin siya ng mga ito, at ‘yun daw ang kanyang iniiwasan, dahil peace daw ang gusto nitong iparating sa mga tagahanga ng ABS-CBN star, dahil na-misinterpret lang ng iba ang kanyang sinabi. ‘Yun na!
John’s Point
by John Fontanilla