Hindi nakaligtas ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV sa pang-iisnab ng komedyanteng vice-mayor ng Quezon City na si Herbert ‘Bistek’ Bautista sa mga serye ng candidates foum sa lungsod na itinataguyod ng iba’t ibang sektor.
Matapos dedmahin ang magkakasunod na pagpapatawag ng forum ng mga business community at academe kamakailan, ang mga paanyaya ng simbahang katoliko naman ang hindi sinipot ni Bistek.
“Siguro natatakot siyang malaman ng simbahan na siya ang nasa likod ng pagsusulong ng Reproductive Health Bill dito sa QC,” pahayag ni Gng. Lourdes de Jesus, isa sa mga dumalo sa forum na inorganisa ng Resurrection of Our Lord Parish sa Barangay Paltok.
“Umiiwas siya sa posibilidad na matanong tungkol sa mga kaso ng katiwalian na kanyang kinasasangkutan tulad ng pagnanakaw at kuwestiyunableng paggastos sa kaban ng bayan. Biruin mo, inubos niya lang sa pagpapakain niya umano ang mahigit sa P90 milyong pondo ng kanyang opisina? E, ‘di naman nakita ng inspektor kung totoo ngang may kumain nu’n. Marami na sanang nabigyan ng gamot, naitayong day care center o kalsada pang naipasemento,” galit na pahayag naman ni Gng. Grace delos Santos na dumalo sa pagsusuri ng mga kandidato sa patawag ng PPCRV sa Tandang Sora, Novaliches.
“Pati pala patawag ng mga pari, pinagtataguan na rin ni Bistek ngayon,” ani Melchor Samson ng Brgy. Paltok.
Napag-alaman na nagbigay ng paanyaya ang Resurrection of Our Lord Parish kay Bautista para sa gaganaping forum ilang araw bago ang okasyon ngunit walang narinig ang simbahan mula sa bise alkalde.
“Natapos ang forum nang hindi man lang nagparamdam si Bistek kung darating siya o hinde. Sana man lang, nagpaabiso siya nang hindi na nag-antay ang mga taga-simbahan at manonood kung darating pa siya,” dagdag naman ni Carmen Villamor ng naturang lugar.
Sa kasalukuyan, ayon sa mga residente, uhaw sila sa paliwanag at mga ebidensiyang ihaharap ni Bistek upang patunayan na hindi totoo na nilustay niya lang sa pagkain na hindi rin naman nakita ang pondo ng Vice-Mayor’s Office.
Matatandaang kabi-kabilang kaso ng graft, plunder, theft, at sangkatutak na administrative offenses ang kinakaharap ng dating komedyante. Sentro ng kontrobersiya ang P106 milyong pondo ng Office of the Vice-Mayor na ginamit umano sa araw-araw na pagbili ng pagkain at softdrinks na pawang hindi pinadaan sa bidding dahil emergency purchase ang ginawa kahit hindi naman napasailalim sa state of calamity ang Lungsod Quezon.
Pinoy Parazzi News Service