Dahilan Para Matanggal sa Trabaho

Dear Atty. Acosta,

MAY KARAPATAN po bang tanggalin ang isang empleyadong laging absent? Nabasa ko sa Labor Code na hindi kabilang sa mga just causes para matanggal ang isang empleyado sa laging hindi niya pagpasok sa trabaho.

Maria Teresa

 

Dear Maria Teresa,

AYON SA Artikulo 282 ng Labor Code of the Philippines, ang mga sumusunod ay mga just causes o mga legal na dahilan upang tanggalin ang isang empleyado sa kanyang trabaho: Serious misconduct or willful disobedience by the employee of the lawful orders of his employer or representative in connection with his work; Gross and habitual neglect by the employee of his duties; Fraud or willful breach by the employee of the trust reposed in him by his employer or duly authorized representative; Commission of a crime or offense by the employee against the person of his employer or any immediate member of his family or his duly authorized representative; and Other causes analogous to the foregoing.

Bagama’t hindi hayagang binanggit ng Labor Code na ang palagiang pagliban sa trabaho ay isang just cause o legal na dahilan, ito ay kabilang sa ilalim ng gross at habitual neglect by the employee of his duties. Ang gross negligence ay isang kawalan ng pagpapahalaga sa isang trabaho, samantala ang habitual negligence ay ang paulit-ulit na hindi pagtupad sa tungkulin na inatas sa isang empleyado (Valiao v. CA, G.R. No. 146621, July 30, 2004). Malinaw na ito ay isang indikasyon ng hindi pagpapahalaga at kawalan ng interes ng isang empleyado sa trabaho kung lagi siyang lumiliban. Bukod pa rito, tiyak na hindi niya magagampanan ang kanyang obligasyon dahil sa palagian niyang pagliban.

Karaniwan din sa mga kompanya ang pagkakaroon ng Code of Ethics o Code of Conduct na naglalaman ng mga panuntunan na kailangang sundin ng mga empleyado sa loob ng nasabing kompanya. Kabilang sa mga probisyong napapaloob dito ay mga disciplinary sanctions o kaparusahan sa mga violation o paglabag ng isang empleyado sa alituntuning ipinapatupad ng kompanya, kagaya ng parusang ipinapataw sa empleyadong laging late o absent sa trabaho. Karaniwang nagbibigay ang employer ng warning sa ganitong paglabag o first offense of tardiness at mas mabigat na parusa, na maaaring humantong sa termination o pagkakatanggal sa trabaho, kung ang paglabag ay malala o paulit-ulit. Kapag hindi pa rin nagbago ang empleyado kahit na marami na siyang warning, ang palaging pagliban niya sa trabaho ay maaaring ituring na isang gross misconduct.

Sana ay nasagot namin ang iyong katanungan. Ang legal na opinyon namin ay maaaring mabago kung madadagdagan o mababawasan ang mga nakasaad sa iyong salaysay.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articlePinoy Parazzi Vol 6 Issue 39 March 13 – 14, 2013
Next articleTatlong Simbolo Para Sa Repormasyon Ng Simbahang Katoliko

No posts to display