LUHANG BUWAYA ANG iniiyak ng mundo sa kanila. Biro mo, halos trilyun-trilyong dolyar ginugugol ng Amerika sa giyera, space exploration, at pagpapabagsak ng gobyernong galit sila. Ngunit kahit katiting ng dambuhalang halagang ito ay ‘di magugol sa milyung-milyong nagugutom at naghihirap sa buong mundo – sa Africa, Central America, India, Laos, Vietnam at iba pa.
Ang ibang mayayamang bansa ay tulad ng Amerika. Madamot. Insensetibo. Pang-sarili.
Kahabag-habag ang milyun-milyong mahirap sa ating bansa. Sa paglilibot ko, nasaksihan ng nanghihilakbot kong mata ang hubad at totoong kahirapan. Sa bayan at bulubundukin. Aparri hanggang Jolo. Nakakasikip ng puso.
Hindi ba may isang bagay na mali? Isang kahig-tukang bansa tulad ng Pilipinas ay may 11 bilyonaryo na nakabandera kamakailan sa Forbes Magazine? Ano ang kahulugan nito? Sa halip ipagmalakai, dapat kalungkutan. Dalawang planeta ang agwat ng super rich sa super poor. Wala halos middle class. Baluktot at uneven ang distribution ng God’s wealth at resources. Nakakapanghimagsik.
At ang mga api? Nagkalat sa mga kalye araw at gabi. Nagsusumamo ng konting barya sa labas ng ating window cars. Nagsusumamo ng kahit basahang saplot sa marumi at payat na katawan. ‘Di ba sila ang kalunus-lunos na katibayan ng pang-aapi ng mundo?
Kalungkut-lungkot. Makaputol-hininga. Merong isang kasabihan: “The poor are not hungry only today, but for the rest of their lives.”
Bakit?
SOFIE, AKING PET DOG
SA LAHAT NG paksa, bakit naman si Sofie pa? Isang dalawang taong asong Golden Retriever. Nabili ko sa isang bargain sale sa pet shop ng Hypermart sa Pasig City.
Grabe. Magastos ang naging pagpapalaki ko sa kanya. Monthly check-up sa isang veterinarian. Vitamins. Injections sa rabies, distemper at purga sa bulate. May kamahalan ang dog food kaya lately tiis na lang siya sa kanin at gulay.
Pinagawa ko si Sofie ng isang steel cage house sa park ng aming community village. Ayaw ni Misis na ikulong sa bahay dahil may asthma at allergy ang dalawa kong apo. Ayos lang sapagkat order ni Misis. Sa umaga, dinadala at tinatali sa gate ng bahay. Bandang alas-singko, balik kulungan. Ganyan ang routine araw-araw.
Ewan kung bakit halinang-halina ako kay Sofie. Tumatahol ‘pag narinig ang busina ng dumarating kong kotse. Nag-aalpas sa pagkatali para sumalubong. At nagsisirko ‘pag ‘di pinapansin.
Magaling pa si Sofie, laging madamdamin at mainit sa pagsalubong. Pagkatapos ng maghapong pakikipagbuno sa mga makukulit at pasaway sa trabaho. Si Sofie ay isang perfect therapy. Minsan, naghabol-hininga. Nag-allergy. Talon ako sa kotse at parang truck ng bumbero na humagibis sa veterinary clinic. Isang injection. Vitamin pills. Dalawang araw na obserbasyon. At lukso at lundag na naman.
Ang pet dog ay isang ‘di matatawarang kasama at kaibigan. Sa big American hospitals, ang aso ang ginagawang companion ng mga depressed patients. Nakakatulong sila sa paggaling. Maraming great legends about great dogs sa internet at encyclopedia. Si Sofie ay isang ordinaryong aso. Su-balit sa aking internet, extra ordinarily great siya. Bow, Sofie.
Quip of the Week
Tanong: “Bakit ang usok ay puti?”
Sagot: “Sapagkat kung pula ay ‘di makita.”
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez