MARAMING NAGTATANONG KUNG bakit ninais kong magsulat sa showbiz tabloid. ‘Di ako nagtaas-kilay o nagkibit-balikat. Ngumingiti akong sumagot: “Anong masama? ‘Di ba kagaya ng sinabi ni Shakespeare, ang buhay “is like a stage” at tayong lahat ay actors at actresses na may mga kanya-kanyang papel na ginagampanan.” Sa madaling salita, ang buhay ay showbiz tabloid.
Mahigit na 20 taon akong nagsulat ng columns sa mga kinikilalang broadsheets. Ngunit ‘di ako lubos na fulfilled sapagkat para ba akong laging tumatapak sa baga ng isang plantsa. Careful sa pananalita at akusasyon. May mga sacred cows na bawal punahin o batikusin. At iba pang real o imagined restrictions.
Ngunit noong natuklasan ko ang daigdig ng showbiz tabloid, nabuhay muli ang adrenalin ko sa pagsusulat. Sapagkat sa daigdig nito ng pamamahayag, para akong isang batang paslit na nakaalpas sa aking mabagsik na yaya para tumakbo nang tumakbo hanggang sa dulo ng daigdig. Libre todo. Walang arayan. Walang plastikan. Ito ang daigdig ng showbiz tabloid. Ito ang tunay na kalidad ng freedom of expression.
GRABE, PARE. GRABE pa rin ang hatak ni Erap sa masa. Nu’ng nakaraang linggo, nagpasama siya sa akin sa isang pagdiriwang ng Pasang Masda sa España, Manila. Nagulantang ako sa aking nakita. Hanay ng mga maliliit na tao ang nakapila sa mga kalye. Sumasalubong sa aming sasakyan habang sumisigaw ng nakakabinging “Erap, Erap, Erap.”
Halos dalawang oras sa piging ay nagugol sa mga picture-taking kay Erap. Dapat papilahin ang mga naghuhumiyaw na mga fans at admirers. Lihim kong minamasdan ang mukha ni Erap. Lihim siyang lumuluha. Wari ko dahil sa kagalakan. Mahigit nang isang dekada ang nakalipas nu’ng siya ay puwersahang inalis bilang pangulo. Ikinulong. Hinamak ng paghamak na walang pangalan. Hanggang sa palayain.
Bakit ganito pa ang hatak ni Erap sa masa? Tinanong ko siya. Ang kanyang sagot: “Ikaw na kasama ko nang mahigit ng 20 taon ang tanging makakasagot niyan.”
Quip of the Week
Tanong: Ano ang pagkakaiba ni Manny Pacquiao at Sara Duterte?
Sagot: Si Pacquiao ay boxer na naging politician. Samantala si Sara ay politician na naging boxer.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez