Dakot na Bigas

PIRA-PIRASONG MUKHA ng kahirapan sa ating bansa ang mapapanood tuwing linggo ng gabi sa Channel 7, Front Row series. Nakahuhumindik!

Kaya ‘di ko maintindihan kung ano itong pinagmamalaki ng pamahalaan na 6-4% growth rate. Figures at statistics ay ‘di salamin ng tunay na katotohanan. Ang katotohanan, habang binabasa ninyo ang pitak na ito, milyun-milyon pa ang ‘di nag-aalmusal at mas lalong milyun-milyon pa ang aasa na makapagtatang-halian at makapaghahapunan sa paglubog ng araw. Ganyan ang malagim na sitwasyon.

‘Di na tayo lalayo pa. May alam akong mga pamilya sa squatter’s area sa Pasig na relyebo ang pagkain ng almusal, tanghalian at hapunan ng mga anak. Isang daang pamilya, isang palikuran at paliguan ang pinaggagamitan. Mga pamilyang dahop pa ang buhay kaysa mga daga, naninirahan sa ilalim ng tulay at tabi ng imburnal.

‘Di ba ang kahirapan ay paglabag sa human rights ng isang nilalang? At ang mga nanunungkulan ay may malubhang pananagutan?

Ang pangangalaga ng kalusugan ay isa ring larangang nakaliligtaan. Sa remote areas, ang ratio ng doktor at mamamayan ay isa sa 20,000. Bukod dito, marami pang parte ng bansa ang ‘di pa naaabot ng manggagamot. Dito sa Kamaynilaan, ang sitwasyon ay malubha na. Halos lahat ng public hospitals ay ill-maintained, walang libreng gamot at kulang sa medical personnel. Kaawa-awa ang mga dukhang pasyente. Nakapila maghapon.

Tuwing Hunyo, dati-rati pa rin ang problema. Shortage ng school houses, guro at mga kasangkapan sa eskuwela.  Dekadang mga problema. Walang mailapat na solusyon.

‘Di maglalaon, exit na rin sa Palasyo si P-Noy. Ngayon pa lang, may nararamdaman na ba tayong pagbabago o kahit kaunting pag-angat ng uri ng buhay ng mahihirap? Pangako. Pangako. Salita at salita.

Samantala, kahapon may pagkamanhid ko nang pinakinggan ang isang balita. Labing dalawang edad na bata, binaril ng security guard sa pagnanakaw ng isang dakot na bigas sa Cotabato. ‘Yan na lang ang katumbas ng buhay rito sa ‘Pinas. ‘Sang dakot na bigas.

SAMUT-SAMOT

 

RETIRED ARCH. Oscar Cruz is in the news again! Kulang ba siya sa pansin? Mali yata ang naging calling niya. Kahapon, inakusahan niya si Political Adviser Ronald Llamas ng diumano’y pagbabalak na “isan-tabi” siya. Of course, sinagpang ang balita ng ilang panig ng media. Sapagkat ganyan ang ating kultura: bad news is good news. Payo namin kay Arch. Cruz na manahimik na lang. Enjoy his retirement and concentrate on the remaining years of his life in God’s service and caring for the poor. Tama na ang publisidad! Tama na ang pulitika!

ANG PAGIGING relihiyoso ng isang tao ay ‘di dapat ipangalandakan o ipagmalaki. Ipakita mo ito nang may pagpapakumbaba at tahimik. Kasi ang bunga ng magandang gawa ay kusa nang lilitaw at mamumunga pa. Nalulungkot ako kay boxing champ Manny Pacquiao. Wari ko’y misguided siya o maaaring may gumagamit. Nakatutulong ba ang kanyang labis na pahayag tungkol sa kanyang pagkamalapit sa Diyos, pagkamadalangin at pagkamakapwa? Ang kanyang uri ay may tawag sa Bibliya: Pharisee, brood of vipers. Pagdasal natin ang kaliwanagan niya.

MADALING MAGPATAAS ng timbang, ngunit mahirap magpababa. Nakikipagbuno ako sa ganitong sitwasyon ngayon.  Overweight ako ng 12 pounds at binalaan na ako ng doktor. Mag-iisang buwan na akong strict diet, walang rice at cholesterol – rich foods, daily exercise. Subalit 4 pounds pa lang ang nawawala sa akin at ang aking bulging belly ay ‘di na nakahahalinang tignan. Sa aking 68 na edad at dahil diabetic, high risk ako sa maraming serious ailments, lalo na sa cardiac disease. First of all, kailangan magpapayat. Binabahagi ko ito sa mga elderly na katulad ko na abuso sa kalusugan.

MGA INVESTMENT na nakuha ni P-Noy sa pagtungo niya kamakailan sa London at U.S. ay maganda lang pakinggan. Ang totoo, mga butas na investment lang ang mga iyon. Tapos pirmahan ng MOA, wala na. Karamihan, pledges o pangako lang. ‘Di ko maintindihan kung bakit dapat pang laging magbiyahe ang Pangulo. Magastos. May mga ambassador at commercial attaches tayo para mangalaga sa mga iyon. Huling visit sa London ay nagkagastos ng P87-M. Buong entourage at kibitzers, ginastusan ni Juan de la Cruz.

ANO BA ang nasa kukote ni Sen. Koko Pimentel? ‘Di siya team player at marunong magpatawad. Kung tutuusin, ganyang ugali, likas sa kanilang angkan. Mana-mana. Tingnan ninyo ang public service record ng kanyang ama.

NAKABUTI NANG iniwasan na ni Kris Aquino ang lumabas sa mga gossip programs sa Channel 2. Ugat ang mga ‘yon ng sari-saring intriga sa kanyang personal life. Nakabuti rin ito sa kanyang kapatid na Pangulo. Ligtas na rin sa walang kararakang kontrobersiya. Pinapanood ko tuwing umaga ang kanyang programang KrisTV. Very educational at full of human interest. Bagay ito sa kanya. Mukhang nag-mature na si Kris. Nakabuti ang pag-iwas niya sa mga tsika-tsika at mga intrigerong kabarkada. Mabuhay ka, Kris!

THE POOR will always be with us  Kaya sa ating nakatakdang panahon sa buhay, ‘wag nating ipagkait kung ano man ang maitutulong sa kanila. Sa ating komunidad, naglipana sila. Let’s reach out to them. ‘Di kailangan ng malaking tulong. Kung ano lang ang makakaya natin. Good karma.

MAHIRAP MAGHANAP ng kasambahay ngayon. Kailangang maingat ka rin sa paghahanap. Dalawang kasambahay ang kinuha namin kamakailan mula sa Capiz. Binigyan ng pamasahe at iba pang panggastos sa paglalakbay. Tumagal lang ng tatlong linggo ang kanilang pamamasukan. Katuwiran, pinauuwi na sila ng kanilang mga asawa. Wala akong magawa. Na-denggoy. Hangad lang ng dalawa ay makarating ng Maynila. Mahirap ding kumuha ng katulong sa employment agency. ‘Di ka nakasisiguro kung anong uri ng tao ang applicants.

NABAHALA AKO nang konti nang malaman ko na pinagsusuot na ng reading glasses ang aking apo, si Anton, 17 years old. To blame ay ang kanyang palagiang pagtutok sa laptop at panonood ng kung anu-anong video games. Leksyon na ito sa ibang kabataan: pangalagaan ang kalusugan ng mata para ‘di mag-eyeglasses agad.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleAra Mina, ‘di kumbinsidong patawarin ang kapatid
Cristine Reyes, ‘di sincere sa apology?!
Next article(Dis)Honorable Mayors!

No posts to display