Dear Atty. Acosta,
IKINASAL PO ako noong 1992 sa isang civil ceremony sa Manila. Ang age ko noon talaga ay 17 years old, kaya lang po dinaya at ginawang 18 years old ako para makasal kami noon ng first husband ko. Siya po ay nasa legal age na noon. Almost two months po kaming nagsama pero wala pong nangyari sa aming sekswal at pagka-
tapos ay nagkahiwalay na po kami. Nalaman ko na lamang po na nag-asawa na po siya ulit at nagkaroon ng mga anak. Ako naman po ay nag-asawa na ulit at nagkaroon din ng isang anak at ikinasal kami noong 2001. Ang tanong ko po, ano po ba ang aking gagawin para po mapawalang-bisa pareho ang aking kasal sa dalawa kasi po gusto ko pong maging malaya na at makapag-asawang muli?
Chubby6
Dear Chubby6,
MALINAW SA iyong paglalahad na ikaw ay labing pitong (17) taong gulang lamang noong ikaw ay magpakasal sa iyong unang asawa. Dahil dito, ang nasabing kasal ay walang bisa dahil ang isa sa ikinasal ay wala pa sa tamang edad ng pagpapakasal. Ayon sa batas, kailangang ang mga partido sa kasal ay may edad na hindi bababa sa labing walong (18) taong gulang. Kung hindi ito masusunod, ang kasal ay walang bisa. (Articles 2(1), 4 and 5, Family Code of the Philippines)
Ganu‘n pa man, walang kang karapatan na ideklarang walang bisa ang iyong kasal dahil tanging ang hukuman lamang ang may kapangyarihang gawin ito. Sinasabi ng batas na maaaring gamitin bilang basehan ng pagpapakasal muli ng isang taong may nauna nang kasal kung sinabi o ipinag-utos ng hukuman na ito ay walang bisa. (Article 40, Family Code)
Dahil dito, ang pagpapakasal mong muli ay walang bisa. Sinasabi rin ng batas na ang isang kasal ay walang bisa kung ito ay pangalawa o maraming beses nang pagpapakasal ng isa sa mga o parehong partido nito habang ang naunang kasal nila ay may bisa pa. (Article 35 (4), Family Code of the Philippines)
Kung magkaganun, walang bisa pareho ang kasal mo sa una at pangalawang taong iyong pinakasalan. Sa kabila ng ganitong sitwasyon, hindi ka pa rin maaaring magpakasal muli sang-ayon sa batas na nabanggit na. Kung nais mo talagang ma-kag-asawang muli, kailan mong maghain ng petisyon sa korte upang hilinging ideklarang walang bisa ang mga kasal mo. Sa sandaling ideklarang walang bisa ang iyong mga kasal ng korte, ikaw ay maaari nang magpakasal na muli.
Sa ngayon kailangan mo munang kumuha ng serbisyo ng isang abogado upang tulungan kang maghain ng petisyon, ganu’n na rin ang pagrerepresenta sa iyo sa korte.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta