Dear Atty. Acosta,
NAGPAKASAL PO ako taong 1999 subalit nagkahiwalay rin kami kaagad. Muli po akong nagpakasal taong 2006, subalit ngayon nais pong ipawalang-bisa ng asawa ko ang kasal namin. Ano po ang aking gagawin? Ayaw ko pong makulong. Hindi naman daw ako irereklamo ng asawa ko.
Maraming salamat po.
Renato
Dear Renato,
TAHASANG IPINAGBABAWAL ng batas ang pagpapakasal nang dalawa o mas maraming beses sa iba’t ibang tao bago maputol ang relasyon sa unang asawa. Ito ay isang krimen dito sa ating bansa na tinatawag na bigamy.
Ayon sa Revised Penal Code, papatawan ng parusang pagkakakulong ang isang tao na magpapakasal nang muli sa ibang tao bago madeklarang walang bisa o mapawalang-bisa ang kanyang naunang kasal o bago madeklarang presumptively dead ang naunang asawa. Ang pagkakakulong na maaaring ipataw sa nagkasala ay mula anim (6) na taon at isang araw hanggang labing-dalawang (12) taon (Article 349).
Magkagayun pa man, hindi nangangahulugan na ikaw ay maparurusahan dahil dito kung ang inyong pangalawang asawa ay magsampa ng petisyon sa hukuman upang ipadeklarang walang-bisa ang inyong kasal. Magkaiba ang pagsasampa sa ganitong petisyon sa pagsasampa ng kaukulang reklamo sa harap ng piskalya upang usigin ang isang taong diumano’y gumawa ng isang krimen.
Kahit magsampa ang inyong pangalawang asawa ng petisyon upang ipadeklarang walang-bisa ang inyong kasal, hindi maaaring pakialaman ng hukuman ang kriminal na aspeto ng inyong nagawa dahil ang tangi lamang pagdedesisyunan ng hukuman sa mga ganitong petisyon ay kung, ayon sa batas, ay wala ngang bisa ang inyong naging kasal.
Subalit maaari rin kayong ireklamo sa piskalya dahil sa inyong ginawang pagpapakasal nang dalawang beses gayong hindi pa man natatapos ang inyong ugnayan sa inyong naunang asawa. Kayo ay nagkamali at kailangan ninyong tanggapin na maaari kayong maparusahan dahil dito. Kung wala namang magrereklamo laban sa inyo, walang imbestigasyong gagawin ang piskalya at ito ay hindi maiaakyat sa hukuman. Kung magkaganoon, hindi rin kayo makukulong.
Dapat natin laging tandaan na kailangan nating tumalima sa batas at huwag gumawa ng mga bagay na ipinagbabawal nito. Kung nais ninyong muling magpakasal sa ibang tao, kinakailangan muna ninyong dumaan sa proseso at magsampa ng petisyon upang ipadeklarang walang bisa o ipawalang-bisa ang inyong naunang kasal at kinakailangan ding ipadeklarang walang bisa ang inyong pangalawang kasal.
Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong ibang maidagdag.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta