HINDI MATAMIS NA pananalita ang inaasam ng taumbayan mula kay P-Noy, ang taong nangako ng matuwid na daan noong halalan.
Gaya na lang ng Lupang Pangako na alam naman ng lahat na hindi magkakaroon ng katuparan, kung pag-uusapan ang talamak na iskwater sa Metro Manila.
Hindi rin pamemersonal laban sa mga dating magnanakaw ang nais masaksihan ng madla mula kay P-Noy, ang taong nangaral na kung walang korap walang mahirap.
Gaya nang mga isinampang kaso sa mga taong nauugnay sa dating administrasyon na sina Dir. Romulo Neri.
Oo, dapat silang kasuhan kung kinakailangan, pero bakit si Sec. Purisima na hindi nagbayad ng buwis sa loob ng ilang taon ay hindi rin kinasuhan?
Ang pagkakaalam natin, parekoy, sa matuwid na daan ay hindi lumiliko pabor sa mga kapanalig!
At ang pagkaalam ko rin, ang kampanya laban sa mga korap ay hindi lamang ang sa nakaraan.
Isabay na rin ang sa kasalukuyan… para sa magandang kinabukasan!
Balikan natin, parekoy, ang isyu ng iskwater sa Metro Manila.
Ipupusta ko ang tangi kong pag-aari na dalawang bilog, mamatay na lang tayong lahat ay hindi malulutas ‘yang problema sa iskwater… hanggang sa dumating ang Panginoon na may dalang regalo para sa mananampalataya… ang tunay na Lupang Pangako!
Bakit? Hangga’t may magnanakaw sa gobyerno, hangga’t may mga bolero sa pamahalaan, hangga’t laganap ang kahirapan, at hangga’t hindi mabibigyang-solusyon para umimpis ang bilang ng kawalang trabaho… mananatiling may iskwater!
Kung tutuusin, sino ba ang gustong tumira sa iskwater?
Sino ba ang gustong tumira sa mabaho at magulong iskwater?
Kung makakapamili lang, lahat tayo ay nangangarap tumira kahit man lang sa katamtaman basta malinis at tahimik na tahanan.
Kung hindi man sarili, kahit upahan basta kaya lang nating bayaran ang upa kada buwan!
Derpor, ang dapat gawin ng mga talentado sa Malakanyang ay bulungan si P-Noy kung paano sikwatin ang mga korap sa sarili nilang hanay, maging makatotohanang serbisyo lalo na sa paghahanap ng paraan, ‘ika nga, para sa karagdagang trabaho, livelihood at murang pabahay!
Dahil hindi kayang iwanan ng mga “informal settler” ang kanilang kinalalagyan ngayon para lumipat sa dalawang ektaryang salita!
Hindi nila kayang yumapak sa daan, kahit matuwid nga kung ito naman ay puro pataas!
At lalong hindi kaya ng madla lalo na ang nasa iskwater na maniwala na kung walang korap walang mahirap hangga’t hindi nila nakikita na sinisibak si Sec. Cesar Purisima at mga katulad niya.
NOW NA!
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303