Dalawang Mukha ng Kasinungalingan

NGAYONG PANAHON ng Mahal na Araw ay napapanahon ang pangingilin, paghingi ng kapatawaran sa ating mga kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos. Ang lipunan natin ay nababalot ng pagkukunwari at kasinungalingan sa napakaraming aspeto. Ang gobyernong nangangaral ng katuwiran ng daan ay hindi rin ligtas sa pagkukunwari at paglilinis-linisan.

Sa artikulong ito ay layunin kong puntuhin ang dalawang isyu sa ating lipunan na sumasalamin sa dalawang mukha ng kasinungalingan. Ito ang usaping RH Law at ang katiwalian sa MRT.

ANG UNANG mukha ng kasinungalingan ay nagtatago sa tinatawag nating moralidad. Ang pagsasabi ng totoo ay nakatali misan sa tinatawag nating “moral”. Ang isang bagay ay totoo dahil ito ay etikal o moral. Halimbawa ay ang hindi pagkain ng karne sa panahon ng Semana Santa ay mabuti. Ang pagiging tama o kamalian nito ay nakadikit sa pananaw na may katotohanan nga bang may imoralidad sa pagkain ng karne sa panahong nabanggit o wala.

Ang isyu ng RH Law ay wawakasan na ng ilalabas na desisyon ng Korte Suprema. Ang pagiging tama o mali nito sa perspektibong legal ay inaasahang bibigyang-linaw at paliwanag ng Korte Suprema kung bakit ito tama o mali.

Sino ba ang nagsisinungaling na panig sa pagitan ng simbahan at mga mananampalataya nito kontra sa grupo ng mga feminist, aktibong mamamayan at iba pang aktibistang naniniwala sa pagiging tama ng RH Law?

Ang moralidad ba ay nasusukat lamang sa itinatakdang kautusan ng simbahan base sa kanilang interpretasyon ng Bibliya o mas may bigat ang etikal na konsepto ng pagkilos sa empirikal na kabutihan o kasamaang naidudulot ng isang gawa batay sa eksperyensyal na pananaw? Mas may bigat ba dapat ang literaturang kahulugan ng tama sa teksto at konteksto ng Bibliya o ang mga datos at bilang ng mga namamatay na babae at sanggol dulot ng kawalan ng impormasyon sa “reproductive health”at ayuda ng gobyerno sa mamamayan partikular sa mga kababaihan?

HINDI KO papangahasang sagutin ang mga tanong na ito at magturo ng tama o mali, bagkus ay nais ko lang bigyang linaw ang mga punto ng dalawang panig sa isyu na ito. Ang lipunan natin ay nahahati sa dalawang panig ng paniniwala. Ito ang relihiyon na isang “intra-personal” o pansariling pagpili at batas na nilimbag ng lehislaturang sangay ng pamahalaan kung saan ito ay “inter-personal” na pagpili o demokratikong desisyon.

Ang isyu ng RH law ay isang legal na usapin at ang pagpili rito ay “inter-personal” o demokratiko. Sumatotal, ang pagiging tama o mali nito ay lagpas o ‘di kaya’y labas sa usaping personal kundi pasok sa usaping sosyolohikal at demokratiko. Dapat galangin natin ang desisyong ng Korte Suprema base sa mga legal na merito ng usaping RH Law.

ANG PANGALAWANG mukha ng kasinungalingan sa ating lipunan ay mas simple at madaling malaman. Ito ay ang simpleng pag-amin sa kamalian o katamaan base sa mga bagay na nakikita ng ating dalawang mata.

Kung lagi kayong nadadaan sa kahabaan ng EDSA ay maihahalintulad natin sa 14 na istasyon ng krus (14 stations of the cross) ang kalbaryo at hirap na dinaranas ng ating mga kababayan sa araw-araw na pagpasok nila sa trabaho at pag-uwi sa kanilang mga tahanan.

Hindi mahulugang karayom ang siksikan sa loob ng tren at ang haba ng pila ay tila walang katapusan na prusisyon. Kaya isang malaking kasinungalingan ang isinagot ni Mr. Al Vitangcol kay Sen. Francis Escudero nang tinanong ito hinggil sa mahabang pila sa mga istasyon ng MRT.

Maliwanag pa sa sikat ng araw na mukhang hindi man lang sinisilip ni Mr. Vitangcol ang kanyang pinangangasiwaang MRT sa tuwing umaga at hapon. Sino ba ang niloloko ni Mr. Vitangcol? Ang mga senador, mga mamamayan o ang Pangulo mismo sa kanyang pagsisinungaling na hindi “gaano” ang haba ng pila sa MRT?

Talaga yatang pangkaraniwang gawi na ng mga tagapangasiwa ng gobyerno ang magkunwari at magsinungaling sa totoong kalagayan ng lipunan. Sasabihin nilang mabuti ang lagay ng ekonomiya, sa kabila ng mga naghihirap at nagugutom na mga mamamayan. Sasabihin nilang bumaba ang krimen, samantalang mas marami ang pinapatay, ninanakawan at naloloko araw-araw.

Ngayon naman, itong si Vitangcol ay tahasang sinabi sa Senado na hindi “gaano” ang haba ng pila sa MRT! Sabi nga ng Pangulo sa kanyang SONA ay saan ba kumukuha ng kakapalan ng mukha ang mga taong ito?

HINDI PA nakonsensya itong si Vitangcol sa kanyang pagsisinungaling hinggil sa masamang kalagayan ng mga taong pumipila ng milya-milya sa MRT. Nagturo pa ito at sinisi ang dating pamahalaan sa kapalpakan sa trabaho dahil hindi raw ito bumili ng mga bagong bagon ng tren noong 2004, gayong lumagpas na sa “capacity limit” ang mga mananakay ng MRT sa isang araw.       

Nais ko lang na ipaalala kay Mr. Vitangcol na 2010 pa sila nakaupo sa puwestong iyan, kung bakit hindi nila naisipang bumili ng mga bagong bagon ng tren, gayong alam na pala nila na lagpas na sa “capacity limit” ang populasyon ng mga sumasakay sa MRT noon pang 2004.

Natututo yata si Mr. Vitangcol sa kanyang bossing sa Palasyo o talagang “SOP” o standard operating procedure nila na sisihin at ipasa ang kapalpakan ng kanilang gobyerno sa dating administrasyon.

 

MAS MABUTI na lang sana kung inamin na lang ni Vitangcol ang palpak na serbisyo ng MRT at humanap o nag-propose ng solusyon kaysa nagsinungaling pa ito at nanisi ng iba.

Napapanahon po ang pangingilin at hindi pa huli ang lahat para magbago at magsisi sa mga kasalanan natin. Sa pamunuan ng MRT at lalung-lalo na kay Mr. Vitangcol, hindi po namin kayo huhusgahan hinggil sa akusasyon sa inyo ng pangingikil sa proseso ng bidding sa MRT, pero huwag naman ninyo kaming gawing mga inutil para hindi masabi kung matindi ang haba ng pila sa MRT o hindi.

Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleMatagal Nagtitiis sa Asawa; Gustong Ipa-Annul ang Kasal
Next articleSexy star na nasangkot sa bugawan, class A ang kategorya

No posts to display