MAYAMAN ANG kulturang Pilipino at makulay ang mga selebrasyon dito sa atin taun-taon. Maraming mga bagay ang binabalik-balikan natin ngunit hindi kasiya-siya na kasama sa mga taunang bagay na nauulit sa Pilipinas ay ang mga trahedyang taun-taon din kung maganap sa Pilipinas. Kapansin-pansin na umuulit lamang ang mga trahedya sa sunog, sa kalsada at maging sa karagatan.
Paulit-ulit ang mga trahedyang ito dahil hindi naman naparurusahan ang mga tunay na maysala, at kadalasan ay pera at impluwensya sa pulitika ang umiiral. Dahil dito ay pansamantalang nalilimutan ng taong bayan ang isyu, ngunit muling magbabalik sa isip ng marami kung may isang bagong trahedya na naman ang naganap.
ILANG MGA buhay na naman ang nasayang dahil sa isang kapabayaan sa paglalayag sa dagat. Hindi na yata tayo natututo sa mga trahedya sa dagat kung saan ay taun-taon na lamang ay kailangang may magbuwis ng buhay sa karagatan. Ang mahirap palagpasin ay ang iisang dahilan ng mga paglubog ng sasakyang pandagat at ito ay ang overloading.
Kahit pa sabihin ng mga mokong na ito na walang overloading batay sa bilang na 178 pasahero na capacity ng bangka at mas mababa raw dito ang bilang ng mga pasahero, mahirap paniwalaan ito batay sa mga sinasabi ng mga pasahero na sadyang maraming nakasakay na tao sa bangka.
Napakadali kasing sabihin na mas mababa ang bilang ng mga pasahero base sa manipesto ng bangka dahil alam nating madalas ay hindi na pinasusulat sa manipesto ang mga pasaherong overload para hindi ito masilip ng awtoridad ng coast guard.
Kung pag-iisipang mabuti ang mga detalye ng kuwento kung bakit lumubog ang bangka ay malinaw naman ang mga mahahalagang salik na kadalasang nagiging dahilan ng paglubog. Gaya ng magandang panahon at normal na pag-alon sa dagat, mahirap ding paniwalaan na human error ito ng kapitan gawa umano ng maling ikot o pihit sa dagat.
Hindi kasi basta-basta lulubog ang isang de-katig na bangka kung pagbabasehan ang hindi kahusayan ng nagmamaneho ng bangka. Mauuwi na naman sa wala ang buhay ng mga namatay dahil sa mababaon ito tiyak sa mga pulitikal na isyu ng bansa dahil palapit na nang palapit eleksyon.
MALAMANG AY matutulad lamang ang trahedyang ito sa isang malaking sunog sa pagawaan ng tsinelas sa Valenzuela. Ngayon ay hindi na pinag-uusapan ito at balitang-balita ang bayaran na nagaganap sa mga pamilya ng biktima para maiurong na ang kaso.
Malaki talaga ang nagagawa ng pera. Hindi rin naman natin mapipilit ang mga naulila ng mga biktima na ipaglaban ang hustisya para sa kanila, dahil mahirap kalaban ang kumakalam na sikmura at kakapusan sa perang panggastos sa araw-araw.
Ang inaasahan nating lalaban para sa pagkamit ng hustisya sa mga pobreng manggagawa ng tsinelas na nalitson sa loob ng factory ay ang ating pamahalaan. Ngunit makaaasa nga ba tayo sa gobyerno? Marami na kasing pagkakataong tila walang magawa ang pamahalaan kundi sumabay na lang sa agos ng pagkabaon sa limot ang isang trahedya dahil sa nagiging abala naman ito sa pamumulitika bunsod ng isang bagong isyu rito.
TRAHEDYANG MAITUTURING din ang isyu hinggil sa tinaguriang pinakasikat na photo-bomber ngayon sa Pilipinas. Ang mala-higanteng toreng makikita sa mga larawan ng bawat turistang nagpapakuha ng litrato sa monumento ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal ay pumukaw ng maraming damdaming makabayan. Ito na nga ba ang bagong sukatan ng pagiging makabayan?
Ang mga humahadlang sa pagpapatayo ng tore ay makabayan at ang mga pumapayag ay taksil sa bayan. Tila ito ang dikotomiya ng isyu ngayon. Ngunit tila mababaw ito bilang basehan ng pagiging makabayan. Ito ang isang trahedya sa reyalidad ng pagiging makabayan ng marami sa atin.
Ang isyu ng pagiging makabayan ay mababaw kung ito ang gagamitin para ipatigil ang pagpapatayo ng Torre de Manila. Marami kasing mga monumento ng bayani, kabilang na ang bayaning si Ninoy Aquino at Andres Bonifacio, ang napaliligiran ng mga nagtataasang gusali at istraktura.
Sa isang angulo ng monumento ni Andres Bonifacio ay isang pangit na istraktura ng lumang LRT ang makikita habang nakapaligid dito ang magulong mga establisimyento, nagkalat na manininda sa kalsada, at basura.
Gayun din naman ang monumento ni Ninoy Aquino sa Lungsod ng Makati. Napaliligiran din naman ito ng sangkatutak na gusali, ngunit sa kabila nito ay hindi naman nababahiran ng pambabastos ang imaheng ito ni Ninoy. Sumisimbulo pa nga ito sa pagiging malaya ng kalakalan sa Pilipinas.
ANG TUNAY na isyu sa Torre de Manila ay ang paglabag nito sa umiiral na ordinansa sa Maynila. Walang kahit na anong dahilan, palusot o excuses ang maaaring magsantabi at bumalewala sa batas. Ang batas ay batas at ang lahat na nasasakupan nito ay dapat sumunod at magpasailalim dito.
Ang mga opisyal ng Maynila na pumirma at pumayag na maipatayo ang toreng ito ay dapat papanagutin dito. Kung kailangang ipagiba ang nasimulan nang tore dahil ipinag-uutos ito ng batas, sumunod dapat dito ang mga may-ari at kinauukulan. Mas may timbang at bigat ang pagkagiba ng batas, kung hindi ito susundin kaysa pagkagiba ng Torre de Manila.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo