MINSAN NAIISIP natin na pare-pareho na lang ang nangyayari sa buhay natin. Pagkagising, naka-Internet agad ang karamihan sa atin para tingnan kung may mga bago bang notifications sa Facebook, Twitter, at Instagram. ‘Yung iba pa nga #selfie agad. Papasok sa eskuwela, uuwi sa bahay. Maglalakwatsa kasama ang kaibigan. Manonood ng TV. Mag-i-Internet, mag-i-Internet at mag-i-Internet.
Totoo nga naman, halos pare-pareho na lang ang routine ng ating araw-araw. Kaya hindi maiiwasan ang mainip tayo. Mga bagets pa, gusto niyan walang nasasayang na oras! Gusto niyang walang “dead air” nga na tinatawag. Kaya salamat sa 9Gag at Best Vines! Nang dahil sa mga ito, nawawala ang pagiging aburido natin. At nang dahil sa kanila, lahat tayo ay laging sumasaya!
Ang 9gag ay isang social media website na ang nilalaman ay puro larawan ng katatawanan. Ang website na ito ay siksik na siksik sa mga larawan at memes na makapagpapasakit ng tiyan mo dahil sa katatawa. Sa bagay, iisa lang naman talaga ang pinakalayunin ng 9gag, at iyon ay ang magpasaya tao. Ang maganda sa 9gag, hindi ito trying hard magpatawa.
Gumagamit ito ng mga larawan na pangkaraniwan sa ating lahat at nilalagyan ng mga ‘captions’ o kumento na para bang nangungusap sa lahat ng makakikita ng mga larawang ito. Puwede mo ring iboto ang pinakapaborito mong 9gag photo o meme. Ang may pinakamataas na marka, iyon ang mapupunta sa pinakaunahan ng website. Kadalasan, kaya tayo ay tawang-tawa sa 9gag dahil tinatamaan tayo o ‘guilty’ tayo sa ipinakikita nito. Ayon kay Ray Chan, co-founder ng 9gag, umaabot sa 2 billion views ang website na ito kada buwan.
Pero kung hindi ka pa makuntento sa mga larawan at memes sa 9gag… aba! Hindi problema iyan, dahil Best Vines na ang bahala sa iyo. Ang Best Vines ay isang page sa Facebook na naglalaman ng mga pinakanakatatawa at pinakanakamamanghang mga videos. Kaya ito tinawag na Best Vines dahil ang mga videos na nakakalap dito ay ina-upload ng mga tao sa pamamagitan ng software na Vine.
Ito ay isang mobile app na pagmamay-ari ng Twitter, kung saan puwede kang gumawa at mag-post ng iyong six-seconder video clips. Pati rin sa Facebook, puwede mo rin itong i-embed o i-post. Dati ito ay puwede lamang sa mga taong naka-iOs ang phones, pero ngayon, puwede na rin ito sa Android at Windows phones.
Ang mga Vine vidoes naman na nasa Best Vines page ng Facebook ay ang mga videos na pinaka sa lahat! Nariyan ang mga videos na pinakanakatatawa, pinakanakamamangha, pinakanakagigigil, pinakanakaiiyak. Basta lahat ng pinaka! “Best Vines” nga, ‘di ba?!
Ang teknolohiya nga naman, wala na nga yatang hindi imposible ngayon. Pero mga bagets, huwag namang maadik sa mga websites na ito. Huwag ito ang pagkuhanan ng aliw. Kung minsan kasi sa sobrang adik na sa 9gag at Best Vines, inuuna mo pang tingnan ang website na ito kaysa mag-research sa mga aralin mo sa eskwela. Huwag abusuhin. Gamitin ang oras nang tama. Mag-9gag at Best Vine lamang kapag alam mong tapos mo na ang mga dapat mong unahin para good vibes ang lahat.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo