DALAWANG OPISYAL ng PNP ang kinikilalang padrino ngayon ng ‘paihi’ mafia, illegal gambling at pirated DVD sa buong Southern Luzon. Ito ay sa kabila ng puspusang kampanya ni Region 4-A Regional Director P/Chief Supt. James Melad laban sa lahat ng uri ng iligal na gawain sa kanyang rehiyon.
Ayon sa isang A1 source, dalawang tauhan ni Melad sa regional command ang patong sa ‘paihi’ operation ng grupo ng isang Manolo ng Sta. Rosa, Laguna. Si Manolo ang financier at ang kanyang capo ay isang nagngangalang Bong. Ang mga nagngangalang Ricky at Jonathan naman ang tumatayong mga mafiosi ng grupo.
Isang retiradong sarhentong pulis na nagngangalang Danny ang nagsisilbing consigliere ng sindikatong ito. Siya ang tulay ng grupo para sa dalawang nasabing PNP officials. Penabu mafia ang bansag sa grupong ito.
‘Di tulad ng pangkaraniwang ‘paihi’ na pagnanakaw ng la-
ngis sa mga barge at tanker ang modus operandi, ang operasyon ng grupong ito ay maituturing na small scale oil smuggling.
Kada linggo, umaabot sa hanggang apat na barge na nanggagaling sa China, Singapore at Malaysia ang dumadaong sa mga private pier sa Nasugbo, Mabini at Calatagan na may kargang mga petroleum product sa hatinggabi. Sinasalubong ito ng mga tanker.
Kapag nailipat na sa mga tanker ang mga langis, idi-deliver ang mga ito sa mga independent gasoline station sa Batangas at Laguna na ginagamit na front ng grupo. Sa oras na maisalin na ang mga petroleum product sa mga nasabing gas station, maituturing na itong lehitimo at puwede nang ibenta sa mga parokyano.
PASOK DIN sa illegal gambling ang dalawang godfather ng Penabu mafia. Isang nagngangalang Edwin a.k.a. ‘Tose’ ang kinikilalang bigtime financier ng illegal bookies ng STL sa buong San Pedro, Biñan, Calamba, Cabuyao, San Pablo at Pagsanjan, Laguna. Umaabot sa P3 million ang ingreso kada araw mula sa iligal na operasyong ito.
Isang Ka Tessie, na tinaguriang reyna ng Pergalan ang binibigyang-proteksyon din ng Penabu mafia. Ang mga pergalan ni Ka Tessie ay nagkalat sa buong Batangas, Laguna at Quezon.
Makailang beses nang tinangkang i-raid ng grupo ng PNP-CIDG at IG (Intelligence Group) ang operasyon ng dalawang iligalistang ito, pero ni minsan ay hindi sila nagtagumpay. Kasama kasi sa SOP ng raiding team ang magsagawa muna ng coordination sa mga police precinct na nakakasakop sa mga lugar na kanilang ire-raid.
At lahat ng coordination na gagawin ng anumang raiding team ay agad makararating sa regional command ng R4-A partikular na sa R2 (Intelligence) at RSOG (Regional Special Operations Group). Sa regional command nakabase ang dalawang godfather ng Penabu mafia.
Kaya pagkatapos ng coordination, bago pa man makarating ang raiding team sa target area, malinis na ito dahil natimbrehan na.
PATONG DIN ang mga godfather ng Penabu mafia sa bentahan ng mga pirated DVD sa buong Southern Luzon. Isang nagnga-ngalang Jamil ang kolektor sa malawakang iligal na gawaing ito. Iniintrega naman ni Jamil ang kanyang nakokolekta kada linggo kay Danny para maiabot sa dalawang nasabing PNP officials na godfather ng Penabu mafia. Ayon sa source, hindi alam ni Melad ang gawain ng kanyang dalawang opisyal na ito.
ANG INYONG lingkod ay napakikinggan sa WANTED SA RADYO, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 p.m. sa 92.3FM, Radyo5. Ito’y kasabay na napapanood sa AksyonTV Channel 41. Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0917-7WANTED.
Ang inyong lingkod ay napapanood din sa T3, Lunes hanggang Biyernes, 5:30-6:00 p.m. sa TV5. Mag-text sa 0908-87TULFO para sa anumang impormasyon.
Shooting Range
Raffy Tulfo