DALAWANG KULAY pulang tutubi ang ‘di umaalis sa aking hardin kahit malakas ang ulan. Nagtatago sila sa ilalim ng ‘sang malaking dahon ng saging. Sa isang sulok, may dalawa ring paru-paro, kulay itim, na nakadapo sa isang sanga ng gumamela.
Sa isang maalikabok at mausok na lungsod kagaya ng tinitirhan ko sa Pasig City, paminsan-minsan, may dumadalaw na paru-paro, ‘di lamang sa hardin kundi pati loob ng bahay. Subalit tutubi? Sa loob ‘ata ng dalawang dekada, ngayon lang muli ako nakakita ng tutubi.
Biglang naglakbay ang alaala. ‘Pag tag-araw hanggang Mayo, kami ng pinsan kong Kuya Clemen ay ginagalugad ang ‘di malayong bukirin para manghuli ng tutubi. Paligsahan kami sa dami. Sa isang parang, nakatitigil-hininga ang pulutong ng iba’t ibang kulay na tutubi na lumilipad-lipad at dumadapo sa mga halaman at kahoy lalo na kung mainit ang araw. Dahil sa napakabilis lumipad, may dala akong maliit na plastik na lambat para panghuli.
‘Di ko malimutan ang maraming tag-araw na pinagsaluhan namin ni Kuya Clemen. Siya’y nani-nirahan sa Mindoro. Subalit ‘pag summer, umuuwi siya sa San Pablo, Laguna para magbakasyon. Dalawang buwan kaming magkasama, magkatabi sa pagtulog at magkasalo sa pagkain. Pamimitas ng duhat, paliligo sa ilog at pag-akyat sa malalim na bangin. Ngunit ang panghuhuli ng tutubi ang nagdudulot sa amin ng kaibang kasiyahan na ngayon ay alaala na lang.
Ewan ko kung may mga tutubi pa sa parang at bukirin. Ang alam ko, mahigit na 20 taong ‘di kami nagkikita ng Kuya Clemen. Umuwi raw uli sa Mindoro, nag-asawa at nagkaroon ng anak ngunit kahit katiting hanggang ngayon, wala kaming komunikasyon.
Naroon pa ang dalawang tutubi, nagkakanlong sa ilalim ng isang dahon. Ang mga paru-paro ay lumipad na. Sumikat na muli ang araw sa umagang ‘yon.
Tila sumikip ang aking dibdib. Tila may luha ang aking mata habang naglalakbay sa aking gunita ang mga tag-araw na pinagsaluhan namin ni Kuya Clemen. Kagaya ng dalawang tutubi, ayaw umalis sa aking diwa at alaala.
SAMUT-SAMOT
SA “THE Buzz” program ni Boy Abunda noong isang Linggo, nagpahayag ng paumanhin sa kanyang kapatid na si Ara Mina si Cristine Reyes tungkol sa naging hidwaan nila. Wika ni Cristine, payag siyang lumuhod kay Ara para mapatawad lang siya. Nakatataba ng puso ang inasal ni Cristine. Sana’y lumambot na rin ang puso ng kapatid. Ganitong scenario – ang magpatawaran – ang hinihiling din natin kina Annabelle Rama, Nadia Montenegro at Amalia Fuentes. Mabigat ang may dalang poot sa dibdib. Sa pagpapatawad, may kaukulang biyaya. Mabuhay kayo, Ara Mina at Cristine!
ANG PAGPAPATAWAD din ay hinihiling ni dating Pa-ngulong Erap kay Sen. Pimentel na may hidwaan kay dating Sen. Migz Zubiri. Subalit mukhang malalim pa’ng iniisip ni Koko. Sa totoo lang, ang pagpapatawad ay senyales ng tunay na pagka-Kristiyano o pagiging tunay na anak ng Diyos. Totoo rin na madaling sabihin ngunit kadalasan mahirap gawin. Paboritong wika ni Erap: “Only the strong can forgive.”
SA MABILIS na pagtakbo ng aking pagtanda, pinatawad ko na ang dapat patawarin. At sa mga taong ako’y nagkasala, humingi na rin ako ng taimtim na kapatawaran. Mabigat sa kaluluwa at katawan ang may kinikimkim kang poot sa kapwa. Sa hustisya ng Diyos, walang mabigat na kasalanan ang ‘di napatatawad. Sa Golgota, pinamalas ng Panginoong Hesus ang sukdulan ng pagpapatawad.
BAKIT TILA nagmumukmok pa si KC Concepcion? Payo ng marami. Bata ka pa. Isa na yatang pinakamasugid na nilalang ng Diyos sa balat ng lupa. May tagumpay sa career. Ang dapat kalimutan ay kalimutan. Lahat ng sugat ay naghihilom kung pag-hihilumin natin.
NAKAHINGA TAYO nang maluwag sa pag-apruba ng SC sa paggamit muli ng PCOS machines sa 2013 halalan. Kung kabaligtaran ang nangyari, balik tayo sa stone age na eleksyon. There’s no perfect system. Overall, very efficient at fast ang peformance ng PCOS noong 2010. ‘Di natin naintindihan ang nire-reklamo ng anti-PCOS groups sa pangunguna ni Gus Lagman. Kudos kay Comelec Chair Sixto Brillantes!
MAY PAGBABAGO ba sa poverty profile ng bansa dahil sa P45-B conditional cash transfer (CCT) project ni P-Noy? ‘Di iilan ang may opinyon na sayang lang ang pinamimigay na ganyang kalaking halaga. Dole-out mentality ang nabubuo sa bilang ng mahihirap. Government should initiate productivity and self-help projects for the poor. Wrong focus at direction.
ANG REHABILITATION ng Pasig River ay isang urong-sulong project. Simula pa sa administrasyon ni FVR hanggang ngayon, walang earnest effort para matapos ang rehab. Ang daming fund-raising projects ang nailunsad. Kagaya ng Piso sa Pasig Program ng dating Unang Ginang, Ming Ramos. Subalit ang ilog ay mabaho, choked at polluted pa rin. Saan napupunta ang kontribusyon?
KIDNAP-FOR-RANSOM CASES are on the rise! Jordaninan journalist, IBP lawyer na taga-Bataan at isa pang abogado from Antipolo ang kahuli-hulihang mga biktima. Anong ginagawang aksyon ng PNP? Para bang ang peace and order ay least priority ni P-Noy. Sa totoo lang, ano ba ang pinagkakaabalahan niya. This is an administration of reaction. It does proact events. Kaya ganito ang bansa!
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez