ISA SA mga online personalities na nagpa-indak sa atin noong kasagsagan ng Enhanced Community Quarantine o ECQ sa bansa ay ang China-based Pinoy dancer na si DJ Loonyo o Rhemuel Luino sa totoong buhay. Marami itong napasaya at pinakilig na netizens sa kanyang viral and trending Tiktok videos. Lalo pang sumiklab ang interes ng tao sa kanya nang ma-link ito sa sexy actress na si Ivana Alawi. Nagkaroon pa nga sila ng fan group (LOOVANA) kahit pa tila hindi na ‘yata sila nag-uusap ngayon (bakit kaya?!).
Sa bagong episode ng ‘Magpakailanman’ bukas (Saturday) ay bibida ang Kapuso hunk actor na si Jak Roberto bilang DJ Loonyo in an episode entitled ‘Dance King ng Quarantine’. Bakit si Jak ang napili? Siguro ay nakita ang kanyang talent sa pagsayaw dahil marami rin itong inupload na dancing videos with sister Sanya Lopez and girlfriend Barbie Forteza nang ma-lift na ang ECQ.
Hindi rin ito ang first time na gumanap bilang dancer si Jak. Siya rin ang gumanap sa trending viral dance king 2019 naman na si Dante ‘I Believe I Can Fly’ Gulapa. May pattern, ha? Chos!
Sa kanyang panayam sa Unang Hirit, ibinahagi ni Jak ang ‘new normal’ sa pagte-taping:
“Very safe naman po sa set, pumunta kami sa location na walang COVID cases sa Norzagaray. (Nag-disinfect) din and ‘yung mga bahay na ginamit namin, as in wala rin pong tao,” paglalahad ni Jak.
Ipinanganak at lumaki sa Cagayan de Oro si Rhemuel Luino. Sa episode ay mas makikilala pa natin ang lalaki sa likod ng mga indak.
Weeks ago ay naging controversial si DJ Loonyo dahil sa kanyang statements patungkol sa mass testing. May ilan din na curious kung ano nga ba ang nangyari sa namumuong pagtitinginan nila ni Ivana Alawi. Ipapakita rin kaya sa Magpakailanman? Ating Abangan!