NASA KUWARENTA anyos na si Bulacan Vice Governor Daniel Fernando. At marami ang naiintriga kung bakit until now ay single pa rin siya. Wala nga ba siyang plano mag-asawa?
“Meron naman,” nangiting sabi niya nang matanong namin. “Kaya lang sa ngayon, mukhang malabo pa dahil sa dami ng trabahong kailangan kong unahin at i-prioritize.”
Ang balita ay meron siyang non-shobiz girlfriend. Pero ayaw niyang mag-entertain ng tanong tungkol dito. Mahalaga raw para sa kanya na mapangalagaan ang kanyang privacy kahit pa sabihing isang public figure siya.
Kung tutuusin, nami-miss daw niya ang pagiging artista. Pero sa dami nga raw ng kanyang ginagawa, kahit may offers ay wala umano siya talagang panahon para rito.
“Mahirap. Hindi ko talaga siya maisisingit!”
Hindi raw niya pinagsisisihan ang naging desisyong iwan ang pag-aartista at mag-concentrate sa pagiging isang lingkod bayan. Iba raw ang level ng fulfillment niya habang maayos niyang nagagampanan ang kanyang tungkulin bilang bise gobernador ng Bulacan.
“‘Yong makita mo na marami kang natutulungan na mga kapwa mo Bulakenyo, ang sarap sa pakiramdam. Iyon ‘yong pinaka-priceless na reward para sa isang public servant na kagaya ko.
Karagdagang inspirasyon din daw para sa kanya ang mga recognitions at awards na kanyang natatanggap sa larangan ng public service. Kamakailan nga ay muli siyang binigyan ng Golden Globe Medal of Distinction for Outstanding and Significant Achievement in Public Service. Ito ay iginawad sa kanya ng Golden Globe Awards for Outstanding Filipino Achiever 2015, isang award-giving body na ang layunin ay magbigay ng recognition at tribute sa mga Pilipino sa buong mundo na nakapabigay ng pride at honor para sa bansa. At natutuwa raw si Vice Governor Daniel na ang kanyang mga naging accomplishments ay nabibigyan ng mataas na pagkilala ng awards committee nito.
“‘Yong mga ganitong pagkilala bukod sa naibibigay na inspirasyon, parang pantanggal-pagod din. Na… kahit anumang pagod at hirap ang pagdaanan mo sa pagbibigay-serbisyo sa ating mga kababayan, ganado ka pa rin.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan