BILANG ACTOR, huling napanood si Daniel Fernando sa teleseryeng Muling Buksan Ang Puso ng ABS-CBN. Pero dahil nanunungkulan siya ngayon bilang vice-governor ng Bulacan, hindi na muna niya maisingit ang paggawa ng pelikula at paglabas sa mga teleserye. Ikinalulungkot din niya iyon, dahil mahal niya ang pag-aartista kung saan siya unang nakilala. Pero sobrang mahal din naman niya ang pagtupad ngayon sa kanyang tungkulin.
“Hindi ko muna kayang mag-shooting at mag-taping, dahil ang dami kong mapapabayaang tungkulin. Iyon talaga ang magiging sakripisyo kapag artista ka na pumasok sa larangan ng pulitika. Malulungkot ka rin, dahil kasasabikan mo ‘yung ginagawa mong trabaho bilang artista. Pero masarap naman sa pakiramdam ‘yung nasa posisyon ka para makatulong sa mga tao,” wika ni Daniel.
Mula sa pagpapaseksi, naging mahusay na character actor si Daniel. Nu’ng humina ang movie industry, iyon naman ang panahon na pumasok siya sa pulitika.
“‘Yung showbiz career naman, naand’yan lang. Pero ‘yung sa pulitika, binalikan ko lang. Dati ko na kasing ginagawa ‘yung mga ganito, dahil nagsimula ako sa Kabataang Barangay at kung anu-ano pa, dalawang beses din akong natalo, hanggang sa manalo at heto na ulit,” banggit pa ng magaling na actor.
ChorBA!
by Melchor Bautista