SINUSULAT NAMIN ito ay pinanonood namin ang production number nina Piolo Pascual, Sam Milby, Khalil Ramos at Daniel Padilla.
Unang labas sina Papapi at Sam Milby, hindi gano’n kalakas ang tilian. Pero nu’ng sina Khalil at Daniel na ang nakita ng audience, parang wala nang bukas sa katitili ang audience.
Nangangahulugan lang ang isang bagay: talagang in na in ang mga bagong artista ngayon. Pero hindi naman ibig sabihin ay “laos” na sina Papapi at Sam. Nandu’n na sila sa “next level” at kailangang ang kanilang “korona” ay ipasa sa sa mga bago.
Ang lakas ng dating ng dalawang batang ito. Nakatulong din kasi sa lakas ng hatak nila ang araw-araw ay napapanood sila sa Princess And I (habang mas pinuri si Gretchen Barretto sa Magkaribal kesa rito).
Sana, ma-sustain nila ang lakas ng hatak sa fans. Mas maganda kung itong si Daniel ay mag-aral pa ng voice lessons, dahil nakakalimutan niya ang lyrics at nakakatakot ‘pag mataas na ang tono ng inaawit niya. Me peligrong sumabit.
Although me timbre ang boses ng bata (dahil singer naman ang nanay niyang si Karla Estrada, eh!). ‘Yun lang naman. Pero no doubt, malakas talaga ang dating ni Daniel. Lalaking-lalaki.
ME ISANG blind item na lumabas online. Isang show raw ang matitigbak, dahil hindi sumisipa sa ratings at hindi kagandahan ang show. Nag-react si Sharon Cuneta. Kasi raw, nagwo-worry ang ibang fans niya.
Kaya once and for all, sinagot niyang hindi matitigbak ang show niya at ayaw na raw niyang patulan ang taong nagba-blind item na ito, dahil last year pa raw ay wala nang ibinalitang maganda tungkol sa kanya ang taong ito.
Ang dami namang nagtu-tweet sa amin na awatin daw namin si Mega, dahil nag-log-in na naman daw sa “patol.com”.
Kami naman, feeling namin, hayaan n’yo siya. Kaya nga nakikilala n’yo nang lubos ang isang artista, dahil na rin sa klase ng kanyang mga itinu-tweet, eh. Saka account naman ni Mega ‘yan, hindi naman niya pinakikialaman ang account n’yo, ‘di ba?
In the same manner na kung hindi n’yo type ang opinyon ni Sharon, eh ‘di sabihin n’yo rin sa tweet at malay n’yo, sumagot si Sharon, hindi ba?
Pero kung kami ang tatanungin, kung starlet si Sharon, maiintindihan ko ang pagpatol niya.
BLIND ITEM: Nalulungkot daw ngayon ang isang actress-TV host, dahil bigla nitong na-miss ang kanyang show na siya rin ang tumapos. ‘Yan lang ang nakarating sa amin, ha?
Ang masasabi naman namin diyan, eh, kung nagdeklara ka nang ayaw mo na sa show na ‘yon, panindigan mo na lang at makukuha mo pa ang aming “boto”.
Pero ‘yung baka dumating ang isang araw na biglang bawi ka at gusto mo nang bumalik, nakaka-turn-off ‘yon. At nakakawala ng kredibilidad.
Hindi ka na nila paniniwalaan next time magbuga ka ng galit.
Kaya ‘wag nang malungkot. It really happens. Walang permanente sa mundo. Hanap na lang ng iba pang show na swak na swak ang character at personality niya sa show na ‘yon.
Oh My G!
by Ogie Diaz