AS EXPECTED, nagbigay din ng saloobin ang boyfriend ni Kathryn Bernardo na si Daniel Padilla tungkol sa pagsasara ng ABS-CBN.
Ayon sa aktor sa Facebook Live online protest ng Kapamilya stars, labis niyang ikinalungkot ang nangyari.
“Nakakalungkot ho ang nangyayari ngayon. Nakakalungkot na dapat nagkakaisa tayo at may hinaharap tayong pandemya, ay nalilihis ang usapan at nagkakawatak-watak pa tayong mga Pilipino dahil sa pagkakaiba ng opinyon.
“Bilang Pilipino, tungkulin natin na maging mapagmatyag. Karapatan natin ang magsalita. Pero kasama ng karapatan na ‘yan ay responsibilidad — responsibilidad na siguraduhin na ang sinasabi natin ay tama at higit sa lahat ay makatao at para sa tao.”
Ikinadismaya din niya ang pang-iinsultong ginagawa ng ibang tao sa mga kasamahan niya sa industriya na nagpapahayag ng kanilang saloobin.
“Nakakadismaya hong makita na ang iba naming mga kasamahan namin sa industriya na piniling magsalita ay iniinsulto. Wala naman ho silang ibang layunin kung ‘di muling magbukas ang ABS-CBN. Ang gusto lang naman ho nila ay mapawi ang takot na nararamdaman ng mga empleyado na maaaring mawalan ng trabaho.
“Ano ho bang masama sa manindigan sa sariling kabuhayan, at sa kabuhayan ng marami? Sa lahat ng mga pumupuna, nagsasalita, alam ko ho magkakaiba tayo ng opinyon. Alam ko na kung anuman ang halaga sa amin ng ABS-CBN ay maaaring hindi iyon ang halaga nito sa inyo. Pero sana ho huwag tayong makalimot na rumespeto sa pinagdadaanan ng iba,” lahad ng aktor.
Patuloy pa niya, “Bago ho ako maging artista, tao ay Pilipino muna ako, kaya sana huwag niyo ipagkait sa amin ang karapatan namin na magpahayag ng aming saloobin.
“Meron ho tayong mas malaking hinaharap ngayon, at iyon po ay ang pandemya. Ituon po natin ang lahat ng meron tayo para tiyakin ang kaligtasan ng bawat Pilipino. Sa NTC, mga kapatid, sana ho ‘yung mga ginagawa niyong desisyon ay hindi lang para sa interes ng ilan. Sana ho ang desisyon na ginagawa ninyo ay para sa mas ikabubuti ng mas marami.
“Higit sa lahat, sa mga kapwa ko Pilipino, huwag ho nating talikuran ang pagiging makatao. Buksan ho natin ang mga puso natin para sa pinagdadaanan ng iba. At buksan natin ang mga mata natin para sa katotohanan. Mas mainam pa ang maging bulag kaysa sa nagbubulag-bulagan,” huling pahayag ni Daniel.