NANG MAGING successful ang first solo concert ni Daniel Padilla sa Smart Araneta, pansamantalang pinagbalawan ni Mr. Johnny Manahan si Karla Estrada na tumanggap ng mga show ang kanyang anak. Katuwiran nito, baka raw ma-overexpose ang binata. May bagong teleserye pa itong ipalalabas with Kathryn Bernardo. Palibhasa sikat na nga si Daniel, nakatutok ngayon si Mr. M. sa career nito.
Ang kay Karla, panghihinayang sa kikitain ng kanyang anak sa dami ng offers na natatanggap niya. Bukod kasi sa Metro Manila, kinukuha rin si Daniel na mag-show abroad. Kahit gustuhin niya, hindi puwede kaya behave na lang ang singer-actress.
Nag-iipon kasi ang mag-inang Daniel at Karla para sa dream house na ipatatayo ng young actor. Hataw sa dami ng product endorsement ngayon ang binata. Kasing bilis ng pagsikat ni Daniel ang laki ng TF na binabayad sa kanya ng mga advertiser. Kahit sikat na siya, wala pa rin pagbabago ang pag-uugali nito. Palabati, mapagkumbaba at binibigyang-halaga ang mga taong naging bahagi ng kanyang tagumpay, lalung-lalo na ang fans.
Pero teka, bakit mas mayabang pa kay Daniel ‘yung mga lintang alipores na nakadikit ngayon sa mag-ina? Aware kaya si Karla Estrada?
Well, magmasid sa paligid dahil nasa tabi lang nila ang sisira sa image ng young actor. Ayaw lang naming maulit sa pangalawang pagkakataon ang nangyari noon kay idol Robin Padilla. Huwag naman sana…
NAGBABALIK-KAPAMILYA SI Alex Gonzaga pagkatapos hindi ni-renew ang kontrata niya sa Singko. May tsika, hindi naging maganda ang feedback sa dalaga ng mga nakatrabaho nito sa Kapatid Network. Sa tulong daw ng utol nitong si Toni Gonzaga, nagawan ng paraan para ito makabalik sa Kapamilya Network.
Ngayon nga, magkasama ang magkapatid sa bagong singing contest na The Voice. Behind the scene ng mga contestant ang magiging papel ni Alex sa nasabing singing contest. Iinterbyuhin niya at kukunan ng video ang mga kaganapan sa mga ito.
Bago lisanin ni Alex ang Singko, marami ang nakapansin sa malaking pagbabago ng pag-uugali nito. Feeling star na nga raw dahil sa drama series na nagawa nito kahit starlet pa rin ang tingin sa kanya ng nakararami. Naging antipatika na raw ang TV host sa paningin ng kapwa niya artista.
Nang gawin siyang primestar kuno ng Singko, du’n na nagsimula ang paglaki ng ulo nito. Nagkaroon ng attitude problem, naging super maarte na sa production staff. Nagtataray kahit wala sa lugar kapag wala sa mood. Unti-unting kumalat na ang tsika tungkol sa kanyang kanegahan. Ewan lang namin kung magagawa pa ni Alex ang magpaka-primadonna sa Dos.
Sa ilang taong pananatili ni Alex sa Singko, kahit papaano, umariba naman nang kaunti ang kanyang showbiz career. Bigyan ka ba naman ng TV shows at sugalan sa pag-aakalang magiging isang malaking bituin ang dalaga. Pero bigo ang network, hindi kasi star material itong si Alex.
“Starlet lang talaga si Alex. She will never make it to be a star,” say nga ng kafatid namin sa panulat na si Alex Brosas.
Ngayong nasa Dos na uli si Alex, gising na gising na kaya siya sa katotohanang hindi niya puwedeng pantayan o higitan ang kasikatang naabot ni Toni sa bakuran ng ABS-CBN.
Sa totoo lang, walang x-factor itong si Alex to become a big star. Naging kapatid lang siya ni Toni, kaya ito naging artista. In fairness to her, magaling siyang talkshow host, madaldal, witty at mabilis ang pick-up like her sister Toni. Puwede si Alex sa sitcom at comedy film, not in a teleserye. Sang-ayon ka ba, Arnel Ramos?
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield