KAILAN LANG, nag-press launch ang Amigo Segurado Spaghetti and Macaroni featuring teen heartthrob Daniel Padilla and Richard Yap as their new endorsers. Excited na ibinalita ng young actor ang nalalapit niyang birthday concert on April 30 sa Araneta.
“Ang dami pang gagawin, ikukondisyon ko pa ang sarili ko sa concert. Nag-usap na kami ni Mr. M (Johnny Manahan) so, alam na niya ang gagawin sa concert. Nag-meeting na kami kung ano ‘yung kaila-ngang gawin. Ang ganda ng usapan namin, alam ni Mr. M kung ano ‘yung trip kong gawin kaya mahal na mahal ko ‘yung tao. Mas nai-excite ako, alam naman ninyo kapag hindi ko gustong gawin medyo nagiging mahinhin ako. Pero ngayong alam ni Mr. M lahat, kaya ganadung-ganado ako. Siyempre, kailangang handa pa rin tayo kung ano ang mangyayari after the concert. ‘Yung birthday ko, siguro sa May na ‘yung celebration.”
Para maging kumpleto ang kaligayahan ni Daniel sa kanyang birthday (April 26), wish nitong bumili ng bahay (somewhere in Quezon City) para sa kanyang pamilya.
“Masaya ako sa nalalapit kong concert, pero gusto kong bilhin para sarili ko, bahay. Hindi pa ako ganu’n kasaya dahil hindi ko pa nabibili ‘yung bahay na gusto ko, ‘yun na!”
Happy si Daniel sa takbo ng kanyang career, ayaw niyang isipin kung anumang problema ang darating sa kanya at kung saka-ling mayroon man intrigang ibato sa kanya, buong tapang niya itong haharapin.
“Wala lang, relax lang ako. Lahat ng problema, may solusyon. Walang intrigang tutumba sa akin, ako ang tutumba sa intriga. Wala namang dahilan para maging malungkot. Kung mayroon man, hindi kailangan bigyang-pansin dahil wala naman itong naidudulot na maganda para sa atin,” banat na sabi nito.
Inamin ni Daniel na may special birthday gift siya para kay Kathryn Bernardo na alam niyang ikatutuwa ng dalaga. Say niya, “Nakita ko sa mata niya kung gaano ko napasaya si Kathryn. Yellow bag ang binigay ko sa kanya, LV (Louis Vuitton). Pagkatapos nga, biglang sumakit ang ulo ko… hahaha! Siyempre, minsan lang mag-birthday ‘yung tao. At ‘yung regalo ko pang-buong buhay na. Sinabi ko kay Ermat (Karla Estrada), siya ang bumili. Hindi ko alam kung magkano ‘yun. Ako ang nagsabi pero siya ang bumili.”
Siyempre, tinanong namin si Daniel kung ano ang gusto niyang iregalo sa kanya ni Kathryn? Ang sagot niya, “Kahit ano, kahit wala, masaya na ako.”
Na-ging issue rin ang pambabastos ng bashers sa mother ni Daniel na si Karla Estrada at kay Kathryn. Siyempre, ipagtatanggol nito ang kanyang mga mahal sa buhay. Tuloy, hinahamon ni Daniel ang mga bashers.
“Gugulpihin ko talaga ang mga ‘yun. Kasi, ang nanay ko dinadamay pati si Kathryn, mali na ‘yun. Sa Twitter, hindi naman nila kayang sabihin sa harap namin. Sobrang foul ‘yung sinabi sa ermats ko, sinagot ko nga.
“Hindi namin kailangang magdemanda, huwag lang silang magpakita sa amin. Kahit ano pa sabihin nila, ayos lang sa akin. Ang importante, gusto ko sabihin nila sa harap ko,huwag sabihin kung saan-saan. Kung magkita kami, tignan natin kung ano ang mangyayari.
“Sobrang bastos, ilang taon ka lang, binabastos mo ‘yung magulang ng isang tao. Magulang ko, pati si Kathryn binabastos, anong klase kang tao? Basta kaya ninyo akong biruin, kaya rin ninyo akong harapin.
“Sa lahat ng nagmamahal sa akin, mahal ko kayo. Sa mga hindi nagmamahal sa akin, abot-langit, ayaw ko sa inyo,” matinding pahayag ng Daniel.
Hindi nga mawari ni Daniel kung bakit ganoon na lang ang galit sa kanya ng bashers, wala siyang maisip na dahilan para gawin nila ito sa binata.
“Nagpapapansin lang, pang-bad trip lang. Hindi naman ako naba-bad trip, natatawa lang ako. ‘Yung sa nanay ko, ayaw ko nang sabihin, medyo bad-trip nga, bastos lang talaga. Kahit nga ‘yung may nagsasabi sa akin kapag nagpo-post na may kasama ako. Ang sabi, mas lalo na ‘yung mga lalaki, ang bad-trip. ‘Yung mga lalaki sinasabi, wala namang ano sa pagiging bading, pero sinasabi nila, bading ako at kung anu-ano pa ang sinasabi. Ako pa ba? Friendly ako, lumaki ako sa mga bading. Alam naman ninyo ang nanay ko, bading ‘yun,” aniya.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield