MULING NAGBABALAK na bumalik sa showbiz ang artistang si Danna Garcel a.k.a Everly Santos sa totoong buhay. Maalaalang kasama siya sa aksidente ng kanilang sasakyan na ikinasawi ng sexy star na si Halina Perez, may sampung taon na ang nakararaan. Malubha rin ang kanyang naging kalagayan at tumagal nang may ilang buwan bago siya nakalakad muli. Halos naubos na rin ang kanyang kaunting savings sa pagpapagamot, hanggang sa pati ang kanyang naipundar na sasakyan ay naibenta.
Ngayon nga ay nagbabalak na siyang muli na sumabak sa mundo ng showbiz, matapos ang matagal-tagal na rin niyang pamamahinga sa pag-arte. Sa kabila naman nito ay nagkaroon siya ng pagkakataon na sumubok sa ibang hanap-buhay habang hinahasa naman niya ang kanyang boses sa pagkanta. Pinalad siyang maging isang international flight attendant. Nang muling makaipon, nakapagpundar na rin siya sariling lote at nakapagpagawa ng pangarap niyang tahanan. Nabili niya ang lote ‘di kalayuan sa kanilang kamag-anakan sa Tanay, Rizal.
Dahil sa kanyang kaarawan, naimbitahan niya akong magtungo sa kanila. Simple lang ang bahay na halatang hindi pa tapos, pero maganda ang pagkadisenyo. Simpleng salu-salo lang ang handa ni Danna na ang ilang mga bisita ay mga kasamahan niya sa Christian Fellowship. Bago ang salu-salo sa bahay ay ang pagdiriwang sa Salvation Army Orphanage, kung saan siya naghandog ng saya sa may 40 mga batang ulila na nasa pangangalaga ng office head na si Gng. Divina Yaun, at sa pakikipagtulungan naman ng Christian leadership president na si Richard Allan Romero.
Masayang-masaya ang mga bata at mukhang nag-enjoy sa mga palarong inihanda. May grupo rin ng mga bata na nagbigay ng kanilang special number. Pagkatapos ay inawitan din sila ng dalaga.
“Natutuwa naman po ako at nakita ko sa kanila ang kasiyahan. Pati ako ay nag-enjoy dahil kasali nila ako sa laro. Kung may pagkakataon pa sa mga darating na panahon ay gusto ko naman na mahandugan ay mga batang cancer patient. Mas nagiging makabuluhan ang birthday ko kung sa mga tulad nila ako magdiriwang. Sa ganitong paraan ay mas nadarama ko na nakapagpapaligaya ako at may kahalagahan ako sa kanila,” ani ng dalaga.
Nami-miss na raw niya ang pag-arte, kahit daw ‘yung pagho-host niya noon sa noontime variety show na Lunchbreak sa Channel 9. Sana raw ay magkaroon pa rin siya ng chance na makabalik sa showbiz world.
By Luz Candaba