TUMPAK ANG PAHAYAG ng Pangulong Noynoy Aquino na hindi tayo dapat matangay ng ating emosyon kaugnay sa mga kaganapan sa Mindanao, kung saan, sa dalawang pananambang ng mga MILF ay 26 na sundalo ang kanilang pinaslang.
Tama si P-Noy na ang bangkay ng 26 nating sundalo ay hindi dapat maging basehan upang itigil na natin ang “peace talk” sa mga MILF.
Tama si P-Noy na walang kasalanan ang mga MILF ng kanilang paslangin sa Basilan ang 19 nating sundalo.
Tama si P-Noy na walang kasalanan ang MILF nang magsagawa ang mga ito ng “retaliatory attack” kung saan 7 sundalo natin ang pinaslang na naman sa Zamboanga Sibugay ilang araw matapos ang insidente sa Basilan.
Bakit tumpak si P-Noy?
Una, kasalanan nga naman ng AFP ang nangyari dahil bakit sila pumunta sa Mindanao in the first place? Eh, hindi naman sila mga taga-roon! Hak, hak, hak!
Pangalawa, noong pinaslang na ang 19 nating sundalo sa Basilan, dapat ay umatras na ang mga sundalo natin. I mean, (P-Noy means pala) dapat umuwi na sa mga kampo militar ang lahat ng sundalo natin matapos ang nasabing pamamaslang. Hindi na nagpasiwil-siwil (pagala-gala)!
I mean, (P-Noy means pala) dapat inunawa natin na mainit pa ang ulo ng MILF fighters dahil 19 pa lang na sundalo ang kanilang napapatay. Tingnan mo, parekoy, nagsagawa tuloy ang MILF ng “retaliatory attack” kaya pitong sundalo na naman ang natigbak!
Kaya nga tumpak si P-Noy na walang kasalanan ang MILF. Mabait pa nga ang MILF! Dahil nag-retaliate sila bilang paghiganti sa kamatayan ng kanilang mga biktima! Ehek!
In short, habang natatakot tayo ay tumatapang naman ang MILF. Habang gusto natin ang kapayapaan ay gusto naman ng MILF ang digmaan!
Tandaan natin na hindi ito labanan ng Muslim at Kristiyano. Katunayan, napakarami nating sundalo na Muslim!
Maliwanag, parekoy, na ito ay laban ng pamahalaan ng Republika ng Pilipinas kontra sa rebeldeng grupo ng MILF!
At sa tinatawag na psychological warfare, aminin natin na sa ngayon ay mababa ang moral ng AFP, habang nasa “momentum” naman ang mga rebelde!
At kung hindi rin lang tayo makapagsagawa ng matinding “retaliatory attack” laban sa mga rebelled… mabuti pang sumuko na tayo sa kanila!
Kung takot din lang tayong makipaglaban sa mga rebelde, mabuti pang lumuhod na lang tayo at makiusap sa kanila! Na kung maaari ay tigilan na nila ang pagpatay sa ating mga sundalo. P’we!
Kung kinakailangang himurin natin ang kanilang wetpu ay gagawin natin… alang-alang sa letseng kapayapaan!
Ang alam ko, parekoy, ang labanan ay hindi nakukuha sa paramihan. ‘Ika nga, ang isang batalyon ng tigre kung ang lider ay daga… ay kayang-kaya itong takutin at pasukuin ng isang squad na daga na ang lider ay tigre!
Malungkot mang isipin, parekoy, pero sa nakikita ng sambayanan, sa ngayon, ang mga rebeldeng MILF ay maituturing na isang squad lamang kung ihahambing sa AFP. ‘Yun nga lamang, mapupuna mo na ang kanilang commander in-chief ay tigre!
At kung ang commander in-chief ng AFP ay magmistulang daga… mabuti pa, parekoy, na hangga’t maaga ay sumuko na tayo sa kanila!
Hindi tayo kontra sa kapayapaan. Ngunit tiyakin lamang natin na habang isinusulong natin ang kapayapaan ay hindi naman niyuyurakan ng mga rebelde ang “authority” ng pamahalaan!
‘Wag nating kalimutan na kung ang ating mga bayani ay hindi lumaban sa digmaan ay hindi sana natin nakamtan ang tunay na kapayapaan!
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303