KUMAKALAT NA sa iba’t ibang social media sites ang maseseleng eksena nina Elijah Canlas at Enzo Pineda mula sa pelikulang ‘He Who is Without Sin‘ na kalahok sa 2020 Pista ng Pilipino.
Ito ang nakikitang isa sa disadvantages ng online streaming ng mga pelikulang kakapalabas pa lamang. Madali itong ma-pirata ng mga mapagsamantala. Hindi pa namin personal na napapanood ang bagong pelikula ni Jason Paul Laxamana, pero kalat na kalat na ang dalawang importanteng eksena for the wrong reasons.
Ang ‘He Who is Without Sin’ ay kuwento ni Martin, isang minor na nangangarap maging isang TV reporter. Makikilala niya ang kanyang idol na si Lawrence (Enzo Pineda), isang sikat na TV reporter. Nagkakilala ang dalawa dahil sa isang UFO report special at muling nagkrus ang kanilang landas sa isang coffee shop. Mula sa puntong ito, gagamitin na ni Lawrence ang kanyang ‘power’ over Martin at magiging biktima ng sexual abuse ang huli.
Sa pelikula makikita kung ano ang mga taboo na nangyayari sa pagitan ng mas ‘senior’ at mas bata. May mga kaso ng sexual abuse na hindi inisasapubliko.
May eksena sa pelikula na halos nagkaroon ng frontal nudity si Enzo Pineda dahil inaaakit niya ang mas batang si Elijah Canlas. May long shot din na nagti-take advantage si Lawrence kay Martin habang nakatago sa dilim.
Nakakahinayang lang na nagviviral ang mga eksenang ito dahil sa mapangahas na tema kahit pa abuse na ang nagaganap.
#NoToPiracy ang inaalma ng ilang filmmakers and loyal moviegoers. Hindi na palabas officially sa website ng FDCP ang pelikula, pero may mga mapagsamantala sa Twitter na binebenta ang pirated digital copies ng pelikula.
Nakakalungkot naman.