Dasal sa drug mules; at sugal sa Calabarzon

PATAY NA sa mga sandaling ito ang isa pang lalaking “drug mule” na nahulihan ng droga sa bansang China!

Noong mga nakaraang buwan ay tatlong kababayan natin ang binitay rin sa nasabing bansa.

Wala tayong magagawa parekoy, ‘yun ang kanilang batas. At talagang ipinatutupad nila ang kanilang batas. To the letter!

Dito lang naman sa atin masyadong marupok ang mga batas. Kay daling mabali! Lalo na pagdating sa droga… ‘sus, Ginoo, sobrang lambot!

Kaya nga ginagawa tayong kenkoy nitong mga demonyong drug syndicate! Lalo na kapag foreigner ang nasa likod ng operasyon.

Ang alam ko lang na mga napapatay rito sa ‘Pinas na mga involve sa droga ay yaong mga na-overdoze! Maliban siyempre sa ipina-firing squad ni Macoy na si Lem Seng.

Ibalik natin, parekoy, ang usapan dito sa “drug mule” na binitay kahapon sa China.

Op kors, kay daming dasal na inialay ng ating mga kababayan. Gaya rin doon sa naunang tatlong binitay ng mga Tsekwa.

Pero dahil natuluyan sila, maliwanag na hindi na uubra ang dasal sa sitwasyong nasa bitayan na ang isang “drug mule”.

Kaya nga ang panawagan natin, parekoy, kung magdarasal man tayo ay aga-agahan natin. ‘Yun bang, ipagdasal natin na lumiwanag sana ang isipan ng ilan nating kababayan na tumigil na sa pagiging drug mule.

Pero kung ayaw nilang tumigil, lalo na kapag natiklo na sila ay ang kanilang pamilya na lamang ang ating i-pagdasal!

Ipagdasal rin natin ang marami pa nating kababayan na sana ay hindi masilaw sa kinang ng pera mula sa droga.

Ipagdasal natin na sana maunawaan nila na ang pakinabang sa droga ay panandalian lamang… habang hindi sila natitiklo!

Muli, hinihikayat natin ang madasalin nating kaparian at mga relihiyoso na kung magdasal man sila para maibsan kung hindi man lubusang matigil ang mga Pilipinong “drug mule”…

…Sana ngayon pa lang ay umpisahan na ang pagdarasal. Habang hindi pa huli ang lahat!

ILANG TAUHAN ng mga gambling lord ang nagpaabot sa atin ng kanilang mga hinaing. Kaugnay ito, parekoy, sa napakataas umanong collection sa kanila ni Dan De Belen.

Ikinakatuwiran umano ni Tabatsoy na malaking masyado ang weekly niya para kay RD sa pamamagitan ni Peralta. Kaya obligado raw siyang lakihan ang singil (singil ha, para bang may utang!) sa mga gambling lord. Pati na sa mga sugal-lupa!

Sandali, parekoy, istap muna!

Lintek kayong mga gambling lord kayo, kung ayaw ninyong matalbusan ni Tabatsoy tuwing Biyernes ay tumigil kayo d’yan sa iligal ninyo!

Ikaw naman Tabatsoy, hindi ka dapat gumamit ng terminong singil dahil wala naman silang utang sa iyo! Iligal lang naman ‘yang sa kanila! Ehek!

Para naman sa magiting na Regional Director ng 4-A, gumising ka naman Gen. Gil Meneses, sir. Kung talagang hindi mo alam na binubukulan ka ni Peralta, aba eh, may problema ka.

Pero kung totoo na si Peralta nga ay bagman mo, asahan na namin na patuloy kang magbubulag-bulagan at magbibingi-bingian. Sana lang ay hindi ka matuluyang maging bulag at bingi.

Dahil hindi kami pipi! Hak, hak, hak!

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleMagkano ang Buhay?
Next articleJinggoy: Tubo sa Puhunan

No posts to display