SAKSI KAMI sa paggiling ng mga kamera sa unang araw ng taping ng Nandito Ako, ang pinakabago at pinakabonggang pangalawang mini-serye ng TV5. Halatang inspirado si David Archuleta sa kanyang mga eksena at talagang kinarir nito ang pag-arte.
May isang eksena pa nga raw na gusto pa nitong ipa-retake dahil nga nakukulangan pa siya sa kanyang delivery, pero ayon pa kay Direk Mac Alejandre, perfect na ito. Napaka-perfectionist daw ni David.
Ayon pa kay Direk Mac, “Ang galing niya, in fairness, hindi ko siya nakitang baguhan sa aming mga eksena. He’s a natural born actor.”
Puring-puri rin ng production si David dahil wala itong reklamo kahit sunud-sunod ang eksena nito dahil daw ayon pa sa kanila, naisapuso na nito ang buong takbo ng istorya.
Kaabang-abang ang Nandito Ako na mapapanood na sa February 20 sa primetime ng TV5.
SA AMING usapan pa rin ni Iwa Moto, lumabas ang kuwentong nata-tag siya as ‘pasaway’. Na inamin niyang ‘misunderstood’ talaga ang pagkatao niya dahil sa mga pangyayaring mas pinili niyang manahimik kaysa magpaliwanag.
Ayon pa sa kanya, may mga episodes ng buhay niya na nagpakatotoo lang siya na nagresulta upang mabansagan siyang ‘pasaway’ noon.
Pero say niya, pagdating sa trabaho, ipagpapatayan niya ang kanyang pagiging professional. Wala raw nagrereklamo sa kanya o nakarinig man lang siya na ayaw na siyang makatrabaho. Ikinuwento pa nga niya sa amin na dati raw, naoperahan siya sa cyst sa kanyang ovary, pero after 3 days daw ay lumabas siya ng hospital upang ituloy ang taping ng kanyang regular show dahil ayaw niyang mambitin ng production. Dapat daw ay 1 month siyang naka-confine noon to recover pero ayaw niyang magkaroon ng aberya ang show dahil sa kanya. Tinanggap daw niya ang trabaho kaya panindigan niyang kaya niya.
Kaya naman daw sa pagpasok niya sa Wil Time Bigtime bilang regular guest co-host, patutunayan niyang hindi nagkamali ang show na kunin siya. At umaasa si Iwa na sa araw-araw niyang paglabas sa Wil Time Bigtime, makikilala siya ng masa, kung ano at sino ang totoong Iwa Moto.
Go Girl!
BONGGA ANG opening ng RT Studios, ang all-in-one studio ni Regine Tolentino kung saan hindi lang pagsasayaw ang kanilang ituturo sa mga tao. Maraming sumuporta kay Regine sa opening nga kanyang bagong business katulad na lamang nina Richard Gomez, Congresswoman Lucy Torres-Gomez, April ‘Congrats’ Gustilo, Andrea del Rosario, TV talents and staff at marami pang iba.
Ipinakita ni Regine sa mga dumalo ang bago nilang offering for 2012 bukod sa dance workshops, meron na rin silang personality development, pole dancing, taekwondo, fashion styling, modeling, belly dancing, magic show, ju-jitsu, hosting for television and events, public speaking and singing.
So balak na ba ni Regine na mag-manage ng talents? Sagot nito, “Hindi naman masyado, magbi-build up kami ng mga future stars dito, gusto naming mga bagets muna at i-develop namin ang mga talents nila.”
For details, please call 7238289 or cell number 09165527118.
Sure na ‘to
By Arniel Serato