Noong una ay mga barangay tanod lamang ang nag-iimbestiga kay David Bunevacz dahil sa kasong pag-wantutri sa chit sa isang night club. Sumunod ay ang NBI at Interpol ang nag-iimbestiga kay Bunevacz dahil sa milyun-milyong pisong kasong estafa na isinampa sa kanya ng kanyang business partners at iba pang mga taong niloko niya rito sa Pilipinas.
Ngayon, ang United States Secret Service naman ang nag-iimbestiga kay Bunevacz dahil sa reklamo ng isang negosyante sa Georgia, U.S.A. Sa bagong reklamong ito laban kay Bunevacz ng isang Gene Hammett, sinasabing si Bunevacz ay nag-estafa ng halagang kulang-kulang sa $3 million.
Kaya nalaman ng SHOOTING RANGE ang bagong kasong ito ni Bunevacz ay dahil sa isang text message na natanggap ko noong umaga ng Lunes, March 8, mula sa isang negosyante at kumpare ni Bunevacz.
Sinabi ng texter na tingnan ko raw sa internet ang isang lumabas na article sa Seattle Times tungkol kay Bunevacz.
Sa nasabing article na isinulat ng mga reporter na sina Christine Willmsen, Steve Miletich at Kristi Helm, si David Bunevacz, kasama ang kanyang amang si Joseph Bunevacz, ay inireklamo ni Hammett, may-ari ng isang kumpanyang nagbebenta ng mga events tickets, sa U.S. Secret Service dahil sa 17,000 na mga tickets para sa nakaraang Vancouver Winter Olympic Games na hindi ibinigay sa kanya ng mga Bunevacz matapos na niya itong bayarang sa halagang mahigit sa $2.9 million.
Ang U.S. Secret Service ang naatasang ahensiya ng gobyerno sa U.S. para mag-imbestiga ng mga kasong financial fraud.
Ayon sa reklamo ni Hammett, noong January 15, 2010, hindi tumupad sa usapan si David Bunevacz na i-deliver sa kanya sa isang apartment sa Vancouver, Canada ang nasabing mga tickets.
Ang mga tickets na ipinangako ni Bunevacz kay Hammett ay manggagaling pa umano sa kumpanyang Pegazus Sport Tours sa Budapest, Hungary, kung saan, ayon kay Bunevacz ay may mataas na katungkulan ang kanyang ama.
Ngunit nang makaugnayan ng Seattle Times si Balazs Kamuti, ang CEO ng Pegazus Sport Tours, sinabi ni Kamuti hindi na konektado sa kanila ang nakatatandang Bunevacz simula pa noong taong 2002 dahil sa mga hindi magandang pangyayari.
Napag-alaman din ng Seattle Times na noong dekada ‘90, may tatlong magkahiwalay na kaso si Bunevacz sa mga korte sa Los Angeles area. Mga kasong pagnanakaw kung saan siya ay na-convict at nakulong ng panandalian. Sa isa sa mga kasong ito, sinasabing si Bunevacz ay nagnakaw ng halagang wala pa sa $400.
Patindi nang patindi itong si Bunevacz. Hindi ako magtataka kung isang araw ay maisama ang pangalan at litrato ni Bunevacz sa FBI Most Wanted List dahil sa patung-patong na reklamo mula sa mga U.S. Citizens sa Amerika na naloko niya ng daan-daang milyong dolyar sa kanyang pyramiding scheme.
Para sa inyong mga sumbong mag-text sa 0917-7-WANTED. O tumawag sa aming landline hotlines na 882-2374, 882-2376 at 882-2378. Ang WANTED SA RADYO ay mapapakinggan sa 558 khz DZXL tuwing 2pm-4pm, Lunes hanggang Biyernes. Ang WSR Action Center ay matatagpuan sa 4th Floor Guadalupe Commercial Complex, Guadalupe, Makati City.
by Raffy Tulfo
Pinoy Parazzi News Service