KUNG NAGBABASA kayo ng Bibliya ay malamang alam n’yo ang istorya nina David at Golliat. Isang maliit na binatilyo ang tumalo sa higanteng si Golliat. Sabi nga ng kababayan nating si Chairman Romulo na dating namuno sa United Nations, “walang malaking nakapupuwing!”
Sa ganitong sitwasyon ko na lang nais pagmasdan ang sigalot ng Pilipinas at bansang China. Habang tumatagal ay tila lalong pinalalaki ng higanteng China ang kanilang puwersa sa mga islang pinag-aagawan ng mga bansa sa Southeast Asia, partikular na ang Mabini reef.
Ayon na rin sa intelligence report ng ating hukbong sandatahan ay halos 90% silang sigurado na isang military base ang itinatayo ng China roon. Ang reclamation na ginagawa ng mga ito ay upang magkaroon ng kakayahan ang military base na ginagawa nila para makalapag ang mga eroplanong pandigma nila.
Ano ba ang magagawa ng isang maliit na bansa at may mahinang hukbong sandatahan sa isang mala-Gollait na bansang China? Paano ba natin dapat paghandaan ang binabalak ng China? Malaki ba ang posibilidad na magkaroon ng digmaan sa pagitan ng Pilipinas at China? Ito ang mga tanong na nais kong tutukan sa artikulong ito.
BUKOD SA pagpapatibay ng pakikipag-alyansa natin sa United States of America, ano pa ba ang puwede nating magawa para tapatan ang hukbong sandatahan ng China? Masakit mang aminin ay masyado nang malayo ang advancement ng military science ng China kumpara sa Pilipinas. Ayon sa isang pag-aaral ay limang taon ang pagkahuli ng teknolohiya ng China sa mga kagamitang pangdigma kumpara sa U.S. at 50 taon naman ang pagkahuli ng Pilipinas sa U.S.
Tila suntok sa buwan na lang ang pagpipilit nating mahabol ang mga gamit pang-militar at teknolohiya ng mga bansang ito. Dapat sana ay noon pa lang ay pinagbuhusan na ng panahon ang bagay na ito. Ngayon ay masyado nang huli para gawin ang pagpapaunlad sa ating military capabilities kung ang intensyon nito ay para sa sigalot na kinakaharap natin sa bansang China.
Dito ay mauunawaan natin kung bakit bukas-kamay na tinanggap ng ating pamahalaan ang bagong kasunduang pang-hukbong sandatahan sa pagitan natin at ng U.S. Ito na lang kasi ang pinakalohikal na paraan na maaaring gawin ng ating maliit na bansa para matapatan ang mala-higanteng China.
Tila sa pangakong binitiwan ni President Obama na lang tayo umaasa para sa tulong militar na kanilang ibibigay kung sakaling tuluyan nang sakupin ng China ang mga isla ng Pilipinas. Ang problema ay kung tutuparin ba ng U.S. ang pangakong ito. Alam natin na dadaan pa sa Kongreso ng U.S. ang proseso ng pagtulong na gagawin nila sa atin. Alalahanin nating maraming mga mambabatas ang magbibigay ng pagpayag at hindi lamang iisang tao o si Obama lamang.
HINDI NA siguro isyu ang paghahanda para sa anumang maaaring gawin ng China sa atin. Wala naman na kasi tayong magagawa pa para makapaghanda rito. Ang maaari nating gawin ay pag-isipan at timbangin ang mga posibleng ibunga ng sigalot na ito sa China. Bukas naman ang China sa pakikipag-usap hinggil sa mga interes ng dalawang bansa.
Ang problema rito ay baka mas talo pa tayo sa huli kung magtutuluy-tuoy ang sigalot na ito kumpara sa maaaring benepisyo pang makuha natin kung makikipagkooperasyon tayo sa China. Sukatin din natin ang ating kakayahan sa kung paano natin magagamit ang mga islang pinaglalaban natin dahil baka sa kalaunan ay wala rin naman tayong gagawin para mapakinabangan ito.
Walang bansang nagnanais ng isang digmaan. Dumaan na tayo sa ganitong sitwasyon dala ng pakikipagkaibigan natin sa mga Amerikano. Hindi tayo handa rito kaya kailangang panatilihin natin ang diplomasya sa China sa lahat ng pagkakataon. Ang mga anak natin ang higit na mabibiktima ng digmaang ito kung sakali.
SABI NGA sa pag-aaral ng kasaysayan, “history repeats itself.” Halos mababakas na natin ang binabalak ng bansang China sa pagtatayo nila ng isang military base sa pinagtatalunang mga isla. Sabi rin ng ilang eksperto sa political science at international studies ay kung hindi mapipigilan ang ginagawa ng bansang China ngayon, ang mga isla ng Palawan na ang susunod na sasakupin nila.
Pareho lang ang estilong ito sa mga ginawa ng mga bansang nagpasimula ng una at pangalawang digmaang pandaigdig. Pananakop din ng isla at paglalagay ng mga istrakturang pang-militar ang kanilang ginawa para palakasin ang puwersa nito.
Kung hindi natin hahanapan ng alternatibong solusyon ito bukod sa pagmamatigas ay malamang masasadlak tayo sa isang digmaan. Sa pamamagitan ng diplomasya ay hanapan natin ng isang magandang kasunduan ang mga islang ito. Natitityak kong hahantong ito sa isang digmaan kung hindi natin babaguhin ang ating estratehiya sa problemang ito.
Walang hindi mareresolba sa isang usapang matapat at bukas sa pagbabago. Hindi natin kailangang sumabak sa isang digmaang hindi tayo handa. Hindi para sa atin ang digmaang walang maidudulot kundi pighati at pagkawasak. Ang prinsipyo ng kapayapaan ang dapat laging mamayani sa ating pakikipag-usap sa China.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo