MARAMI ang nagkainteres sa online seller na si Daisy ‘Madam Inutz’ Lopez noong nakaraang taon. Nakakaaliw kasi ang mga banat niya sa tuwing siya ay sumasalang sa online selling. Nagkaroon na ito ng sariling fandom at kalaunan ay pumasok sa PBB House.
Para sa kanilang two-part Mother’s Day special ay napili ng ‘Maalaala Mo Kaya‘ na ikuwento ang buhay ng sikat na online seller, na gagampanin din ng kapwa-PBB graduate na si Dawn Chang.
Aminado si Madam Inutz na hindi siya makapaniwala na napili ng programa na isadula ang kanyang buhay.
“Hindi talaga [inasahan], kahit sa panaginip. Kahit ‘yung mag-viral ako hindi ko rin inasahan. As in wala talaga akong inaasahan sa buhay. Basta ako, lagi lang akong positive sa buhay kasi. Wala akong inasahan na mga bagay-bagay na mangyayari sa akin. Kaya nung nangyari ito, super grateful talaga ako,” aniya.
“Sa sobrang hirap ng pinagdaanan ko, nandito pa rin ako at patuloy na lumalaban. Patuloy na naghahanap-buhay para sa magulang ko, sa mga anak ko. Ang hirap ipaliwanag talaga ng mga nangyayari, hanggang ngyon hindi pa rin ako makapaniwala.”
Nagbigay din ng pahayag si Dawn Chang patungkol sa sa episode at sa taong kanyang gagampanan.
“Si Daisy ay product ng kung ano ang pagpapalaki ni nanay Criselda sa kanya. Kaya kung mapapanood ng ating mga Kapamilya ang episode na ito ay makikita nila kung gaano kabuti ang kalooban ni Daisy. Kung paano siya naging Madam Inutz, it’s the drive because lahat ito para sa magulang, para sa pamilya,” aniya.
Ipapalabas ang makulay na kuwento ni Madam Inutz ngayong May 7 at 14 sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, TFC, at A2Z Channel 11 sa ganap na 8:45 ng gabi. Gagampanan ni Ms. Susan Africa ang papel na Nanay Criselda. Kasama rin sa cast sina Gino Roque at Pamu Pamorada, na mga ex-PBB housemates din.