NAGKAISA KAHAPON ANG local government units na nag-isyu ng permiso sa operations ng Meridian Vista Gaming Corporation na idepensa ang kanilang karapatang tumanggap at magbigay ng lisensiya sa mga investor na nais maglagak ng negosyo o ligal na hanapbuhay sa kani-kanilang lugar.
“Ang gaming operations ng Meridian ay lehitimo at dokumentadong negosyo na magbibigay ng malinis at marangal na hanapbuhay sa maraming residente sa aming probinsiya at ito rin ang nakikita naming magpapatigil sa iligal na Jueteng kaya pinahintulutan ito ng aming pamahalaang panlalawigan,” pahayag ni Occ. Mindoro Gov. Alfonso Umali, presidente ng liga ng mga gobernador sa bansa.
Si Umali ay isa sa maraming lider ng mga gobyernong lokal na agarang hihingi ng ayuda sa Mataas na Hukuman upang linawin at pinal na husgahan kung ang betting station ng Meridian ay dapat ba o hindi dapat pahintulutan sa labas ng Cagayan Economic Zone Authority na siyang nag-isyu ng prangkisa ilang taon na ang nakalipas.
Binanggit ni Umali na may nauna nang desisyon ang Court of Appeals na ligal at pinahihintulutan ng batas ang betting stations ng Meridian sa labas ng CEZA na nasasakupan ng Northern Luzon. “Kaya nalilito kami sa sabwatan ng DILG at DOJ na itigil ang mga ito nang dahil lamang sa isang legal opinion na kamakailan lamang ipinalabas ni Sec. De Lima,” pahayag ng presidente ng governor’s league.
Sinabi rin ni Umali na sa labas ng CEZA ay maraming local government units ang nagkaisa at naniwalang pang-kontra sa Jueteng ang operations ng Meridian kaya binigyan nila ito ng lisensiya at mga kaukulang permit documents. “Kaya sana ay maghinay-hinay ang mga kagalang-galang na pinuno ng DILG at DOJ sa kanilang utos na patigilin ang Meri-dian,” dagdag na pahayag ni Umali.
Isang alkalde naman sa lalawigan ng Rizal ang nagpahayag na isang kawalan ng respeto sa batas ang gagawing pagpapatigil nina De Lima at Robredo sa operasyon ng Meri-dian sa dahilang desisyon ng Court of Appeals mismo ang tahasang sasalungatin ng isang opinyong ligal lamang ng Justice secretary.
“Naninindigan kami sa permit at lisensiyang ipinagkaloob ng aming lokal na pamahalaan sa Meridian dahil kumpleto ito sa ligal na basehan,” pahayag ng alkalde, na nakiusap na ‘wag banggitin ang kanyang pagkakakilanlan baka siya’y resbakan ng DOJ at DILG.
Dagdag ng alkalde: “Maging ang aming mga kapulisan ay nalilito sa kautusang ipahinto ang Meridian dahil sa umano’y hindi klaro ang i-binigay sa kanilang ligal na batayan.”
Sinabi ng alkalde ang pahayag ng kanyang hepe na “mayor, we cannot obey an illegal order,” at umano’y ang pangamba ng mga ito na wala naman silang maaasahan kina Robredo at De Lima kung sila’y makasuhan sa Ombudsman at sa Napolcom.
Nauna nang ipinahayag ng spokesman ng Meridian na si Raul Banderas na ilang malalaking jueteng lords ang nasa likod ng kautusan nina De Lima at Robredo na ipatigil ang gaming operations ng Meridian na naka-timing naman sa napaulat na pagbubukas ng lo-terya ng bayan.
“Dapat ang paimbestigahan nina De Lima at Robredo ay ang balitang gagawing front lamang ng mga malalaking Jueteng operators ang Loterya ng Bayan na dating STL. Dapat malaman ng publiko na ang mga pangunahing iligalista sa bansa o ang kanilang mga dummy ang nasa unahan ng listahan na pagkakalooban ng lisensiya ng loterya,” pagtatapos ni Banderas. (Parazzi Reportorial Team)