HINDI NA ako nagtaka sa inilabas na resulta ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa kanilang sariling imbestigasyon hinggil sa Mamasapano incident. Gaya ng inaasahan ng marami, nanindigan ang MILF na isang encounter ang naganap kaya hindi nila sinasang-ayunan ang inilabas ng Senado na report kung saan ay lumabas na isang massacre ang nangyari.
Taliwas din sa report ng MILF ang mga kasong iminungkahi ng Senado, gaya ng murder, frustrated murder, illegal possession of firearms, at theft. Bagkus ay humingi pa ang MILF sa pamahalaan ng hustisya dahil sa pagkakapatay umano ng nakaligtas na SAF-commando sa mga miyembro ng MILF na natutulog lang daw sa isang Mosque, habang kasagsagan ng putukan sa Mamasapano.
Sa resulta ng MILF Mamasapano report, ang SAF-commandos ang itinuturing na unang nagpaputok laban sa MILF kaya nilabag umano ng SAF ang kasunduang inilatag ng Bangsamoro Peace Process na pansamantalang tigil-putukan. Kaya naman ang mga SAF-commandos ang dapat managot sa mga namatay na MILF members sa nangyaring encounter. Wala ring pananagutan ang mga miyembro ng MILF kaya hindi sila dapat isuko ng MILF sa gobyerno.
Sa ganitong sitwasyon, kung saan direktahang salungat ang pagtuos ng gobyerno at MILF sa madugong bakbakan sa Mamasapano, ito’y nagpapakita lamang ng isang dead end sa usapang Bangsamoro. Ngayong mayroong dalawang magkasalungat na posisyon hinggil sa Mamasapano incident, sino ang tunay na may sala? Sino ang may kapangyarihang pinal na magsasabing ang MILF o ang SAF-commandos ang dapat managot? Nakababahala mang tanggapin, ang salungatang ito ay malinaw na isyu na nareresolba lang pagkatapos ng isang digmaan.
HINDI PA man nagsisimula ang isang inaasahang mapayapang ugnayan ng Bangsamoro State at gobyernong Pilipinas, kapag naisabatas na ito, mayroon nang malinaw na hindi pagkakaunawaan ang dalawa. Malinaw rin na ang mananaig sa dalawa ay kung sino ang hindi papayag na magpasailalim at mananatiling naninindigan sa mga pangunahing prinsipyo na kanilang pinaniniwalaan at pinaglalaban. Nandito mismo nakahimlay ang “dead end” sa usapang Bangsamoro.
Papayag ba ang PNP at gobyernong Pilipinas na panagutin ang mga SAF-commandos, partikular ang nag-iisang nakaligtas sa grupo ng blocking force sa Mamasapano mission ng Oplan Exodus? Bitay ang parusa sa kasong murder ng mga Muslim ayon sa pinag-uutos ng kanilang relihiyon at ito ang hinihingi ng MILF. Tiyak na magkaka-“coup d’etat” o pag-rebolusyon ng mga pulis at sundalo kung isusuko ng pamahalaang PNoy ang SAF-commando na ito.
Naninindigan din naman ang MILF na wala silang isusuko sa kanilang mga tauhan kaya wala nang hustisyang dapat pang asahan ang mga pamilya ng SAF-commandos. Ang MILF pa nga ang naghahanap ngayon ng hustisya. Paano na sasagutin ng pamahalaang PNoy ang panawagan na hustisya para sa “Fallen 44”? Papayag ba ang pamahalaan na “quits” na lang ang usapan? Papayag ba ang MILF na “patas-patas” na lang ang pagtingin dito? Isang bagay ang malinaw rito at ito ang “dead end” sa usapang Bangsamoro.
BUKOD PA sa salungat na resulta ng imbestigasyon ng MILF sa inilabas na resulta ng PNP at Senado, pinagdiriinan din ng MILF na hindi na dapat baguhin o amyendahan ang Bangsamoro Basic Law (BBL), dahil hindi rin nila tatanggapin ito kung hindi masusunod ang kanilang posisyon na walang dapat babaguhin sa BBL. Ito’y pagpapakita lamang na hindi bukas ang MILF sa umiiral na sistemang demokrasya at parlyamentaryong proseso ng pagsasabatas. Malinaw na sarado rito ang MILF at nananatiling buo sa kanilang isip ang hindi pagpapasakop.
Ang MILF ay tila may paniniwala na ang Bangsamoro ay may sariling Saligang Batas, kung saan hindi sila maaaring magpasakop sa Saligang Batas ng Pilipinas. Sa ngayon ay wala naman talaga silang kinikilalang sangay ng gobyerno, maging ang Department of Justice (DOJ), kaya para sa kanila ay walang kapangyarihan ang DOJ para litisin ang kanilang mga tauhang inaakusahan sa kasong murder batay sa report ng Senado. Kung matutuloy ang Bangsamoro Basic Law, hindi kaya lalong maging kongkreto at legal sa kanilang pananaw na hindi sila maaaring masakop ng kapangyarihan ng pamahalaang Pilipinas?
Lumalabas ngayon na poponduhan ng gobyerno ng Pilipinas ang BBL para bigyan ng kasarinlan ang Bangsamoro. Bibigyan ng perang aabot sa 1 bilyong piso ang Bangsamoro, mula sa ating mga bulsa, para tuluyan na silang humiwalay sa bansang Pilipinas. Hindi ba ginigisa tayo ng MILF sa sarili nating mantika? Kaya hindi natin masisi si Senator Alan Cayetano sa pag-aakusa sa mga namuno sa Bangsamoro Peace Process mula sa bahagi ng gobyerno ng Pilipinas na mas pumanig at kumiling ang mga ito sa interes ng MILF kaysa sa interes ng Pilipinas.
KUNG MAY “dead end” ang usapang Bangsamoro ay kailangan nating tanggapin ito. Nangangahulugan lamang na walang malinaw na usapang pangkapayapaan at pagkakaisa ang narating dito. Kung gayon ay dapat na sigurong isara ang usapang BBL at magsimula na tayong maghanap ng bagong solusyon. Hindi natin maaaring ipilit ang isang bagay na walang kinabukasan.
Hangga’t nagmamatigas ang MILF sa isyu ng Mamasapano massacre ay walang dapat ituloy na usapan hinggil sa BBL. Hindi dapat makiusap at magmakaawa ang pamahalaang Pilipinas sa MILF. Ang MILF dapat ang makiusap at magmakaawa sa pamahalaang Pilipinas. Hindi tropa ng militar ang talunan sa digmaan kundi tropa ng MILF. Minsan nang napulbos at napasakamay ng tropang militar ng Pilipinas ang maraming kampo ng dating MNLF at karamihan din sa mga lider na ito ay naipakulong ng pamahalaan.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:45 am hanggang 12:30 nn. At sa T3 Enforced naman pagsapit ng 12:30 nn hanggang 1:00 pm, Lunes hanggang Biyernes pa rin.
Napakikinggan naman sa programang Wanted Sa Radyo ang inyong lingkod sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay kasabay na napanonood din sa Aksyon TV Channel 41.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833 para sa Wanted Sa Radyo. 0918-602-3888 para naman sa Aksyon sa Tanghali. At 0918- 983-8383 para naman sa T3.
Shooting Range
Raffy Tulfo