UNA MUNA AY nais ipaabot ng mga OFW at mga organisasyon nila ang pasasalamat sa inyo, VP Binay, bilang Presidential Adviser on OFW Affairs, sa mga napapanahong tulong n’yo sa mga OFW, lalo na sa mga dumaranas ng pang-aabuso sa ibang bansa. Sa katunaya’y marami kayong ginagawa para sa kanila na hindi nailalathala o lumalabas sa media.
Dahil dito, inaakala kong mas bukas ang tenga at isip n’yo sa ilang mungkahi para sa ikabubuti ng kalagayan ng ating mga manggagawa sa ibang bansa at kanilang mga pamilya rito.
Una, mas makabubuti kung ipagkakatiwala n’yo na lang sa POEA o OWWA o DFA ang pagtugon sa samu’t saring problema sa iba’t ibang lupalop, kung saan mayroong mga OFW. Sa dami ng mga problemang iyan, mas makabubuting ang mga frontline na ahensiyang ito na lamang ang humarap at umasikaso sa mga problemang iyan. Tutal, iyan ang itinalagang trabaho sa kanila ng batas.
Pangalawa, mahalagang makapaglabas ang inyong tanggapan ng mga pag-aaral at rekomendasyon kung papaanong magagamit para sa ikauunlad ng ekonomiya ang $20 bilyong remittance ng ating mga OFW. Ito ay katumbas ng 10% ng ating gross domestic product at halos kalahati ng ating badyet. ‘Di po ba isang potensiyal na pagkukunan ito ng puhunan para maibangon ang ating ekonomiya?
Pangatlo, ang mga problema ng human at drug trafficking ay sa ibang bansa nahuhuli at nabibisto ngunit ang mga ito ay madalas nagsisimula sa Pilipinas. Mas mahusay kung magiging daan kayo para malinis ang mga tiwaling tauhan natin sa mga airport at sa immigration. Ang problema po ng mga OFW ay nagsisimula hindi sa abroad kundi dito pa lang sa Pilipinas.
Pang-apat, ang mga kaso ng illegal recruitment at iba pang kalokohan ng mga sindikato ay mababaklas lamang kung pahihigpitin ng POEA at DFA ang pagpa-patupad ng ating mga batas. Magandang makatulong ang DILG at DOJ para tulu-yan nang malansag ang mga ahensiya at personalidad na patuloy na bumibiktima sa ating mga kababayan.
Panglima, tutal ay nasasakupan n’yo ang sektor na pabahay, panahon na marahil para makabuo ang gobyerno ng mura at makabuluhang programa sa pabahay para sa ating mga OFW at pamilya nila. Matagal nang biktima ang mga OFW ng mga sindikato sa pabahay na sumisipsip sa mga perang matagal nang pinaghirapan ng mga OFW.
At panghuli, magandang makalahok kayo sa diskusyon ng ibang departamento na may kinalaman sa pagpapaunlad ng ating ekonomiya. Ang pag-unlad ng ating mga industriya, at hindi lang mga shopping malls, ang tunay na susi sa paglikha ng trabaho sa ating mga kababayan. Sa pangmatagalan, kapag dumami ang mga trabaho rito, wala nang dahilan para mangibang-bayan ang mga Pilipino.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users) E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo