MEDYO HINDI nga maganda ang timpla ng pangangatawan ni Jacky Woo, pero masaya ang Japanese actor na miss na raw ang Pilipinas. Ilang buwan na rin siyang hindi nakababalik sa bansa natin.
Masyado kasing busy si Jacky sa kanyang mga negosyo rito sa Tokyo, na medyo hindi niya natutukan dahil sa kabisihan niya sa mga films project na ginawa niyang plus ang madalas niyang pag-uwi noon sa Pilipinas.
Hinahanap na rin siya ng mga artista at production staff ng Bubble Gang. Matagal na rin nang huli siyang mag-guest sa number one gag show sa Pilipinas na napapanood tuwing Biyernes ng gabi sa GMA-7. Malamang sa susunod na buwan siya babalik ng Pilipinas.
Gaya ng naisulat namin noon, maganda ang naging pagtanggap ng organizers at participants ng Cannes Film Festival. Marami raw mga journalist mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang kinamayan siya at pinuri ang acting niya sa Death March na dinirek ni Adolf Alix, Jr.
Sa report sa kanya ng kinontrata nilang agent mula sa Paris, nakatakda raw ipalabas ang Death March sa 28 countries sa iba’t ibang parte ng mundo. Nakatakda rin itong ipalabas sa Busan Film Festival sa October. Bukod dito ay may gagawing pelikula si Jacky sa France na tagaroon ang producer. Hindi naman daw kalakihang production iyon, pero kung magiging successful ay magbe-venture daw siya roon ng iba pang projects.
Bukod sa acting school, nagsu-supply rin ang company ni Jacky ng mga talent sa iba’t ibang film companies at television networks sa Japan. Kaya ‘yung mga nag-aaral ng acting sa school ni Jacky ay may kalalagyan. Kaya no dull moment for Jacky at tuluy-tuloy ang trabaho.
Sa success ng mga negosyo niya, may kawang-gawa naman ang mabait na actor. May tinutulungan siyang eskuwelahan sa isang bayan sa Nueva Ecija. Nag-iisip pa siyang tumulong sa isang lugar na malapit sa Manila pagdating sa eskuwelehan pa rin. Kaya tignan natin kung saan.
John’s Point
by John Fontanilla