LAHAT NA SIGURO ng klaseng pagbabanta, pananakot at panghaharas mula sa mga abusadong taong nakastigo ko sa espasyong ito, sa ITIMBRE MO KAY TULFO (IMKT), WANTED SA RADYO at WANTED sa TV ay natanggap ko na.
Ilan sa mga taong ito ay nagkikimkim ng matinding galit sa akin dahil kundi man sila’y napasuspindi ko o napa-demote, sila ay napasibak ko sa serbisyo. Bukod dito malaking kahihiyan pa ang kanilang inabot dahil naisiwalat ko ang kanilang kawalanghiyaan sa dyaryo, radyo at telebisyon.
Ngunit ang pinakamatindi na masasabi kong pagbabanta sa aking buhay na natanggap ko simula nang gawin kong krusada ang pagtutugis sa mga abusado’t mapang-api ay nang makatanggap ako ng liham mula sa isang nagpapakilalang Juanito Raveña a.k.a. Ricardo Diaz ng Caloocan City kamakailan lang. Sa nasabing liham, sinabi niyang siya raw ay miyembro ng Alex Bongcayao Brigade (ABB) – isang hit squad, na nakabase sa Tarlac.
Sa naturang liham, sinabi rin ng taong ito na dahil palamura raw ako sa radyo at mayabang ang dating, bilang na raw ang araw ko. Matapos kong matanggap ang liham, tiyempo naman na ito ay nasundan ng tawag mula sa isang opisyal ng PNP – na minsan ko nang natulungan dahil inilabas ko sa TV5 News ang kanyang panig sa mga isyu laban sa kanya na lu-mabas sa media – na may kontrata na raw sa ulo ko.
Ayon pa sa opisyal na ito, may kumontrata raw sa Rebolusyonaryong Hukbong Bayan (RHB) na kasapi ng ABB para ipatumba ako. Idinagdag pa ng nasabing opisyal na ang naatasan daw na pumatay sa akin ay ang lider ng Nueva Ecija Chapter ng RHB na si Rick Peralta. Sinabi pa ng opisyal na ito na kini-casing na ako.
Nagsisinungaling ako kung aking sasabihin na hindi ako nangamba kahit papaano dahil kabisado ko ang ABB. Alam ko kung gaano trumabaho ang grupong ito at gaano kalawak ang kanilang samahan. Pero sa-sabihin ko naman na sa mahigit 14 years ko ng pagiging broadcast journalist, hindi ko iniinda ang mga pagbabanta na nanggagaling sa kung kani-kaninong tao. Pero nang madawit ang pangalan ng ABB, ako ay nag-alala bagamat mahigpit ang aking security detail noon pa man.
Pero noong Biyernes ng hapon, sa pamamagitan ng isang matalik na kaibigan, dalawang tao ang nakipag-usap sa akin. Ang mga taong ito ay sasabihin kong one hundred trillion percent reliable na mga source. Sinabi ng dalawang source na ito na walang banta sa aking buhay mula sa RHB at ABB. Katunayan masugid pa nga raw na tagasubaybay ng IMKT, WSR at WANTED ang nasabing grupo dahil ang mga programa kong ito ay nagtatanggol at tumutulong sa mga maliliit nating mamamayan.
Dagdag pa ng dalawang source, pinaiimbestigahan na raw ng RHB/ABB ang may pakana ng mga pagbabanta sa aking buhay dahil hindi raw nagustuhan ng grupo ang pagdawit sa kanilang pangalan.
Kaya roon sa kung sinumang may pakana sa mga pagbabanta sa akin at idinadawit ang RHB/ABB, humanda ka na, yari ka!
Ang WSR ay mapapakinggan sa 92.3 FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ang IMKT ay mapapanood sa Balitaang Tapat sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:15 nn. Samantalang ang WANTED naman sa TV5 pa rin tuwing Lunes 11:30 pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo