AYON SA pinakahuling ulat ng Department of Health, mayroon nang naitala na 78,808 na kaso ng Dengue mula noong Enero 1 hanggang Setyembre 5 ng taong kasalukuyan. Higit na marami ito nang 16.5% kaysa noong nakaraang taon, kung saan may naitalang 67,637 na kaso sa parehong panahon. Sa taong ito, 233 na ang namatay dahil sa sakit na ito. Karamihan sa mga ito ay mga bata.
Hinihikayat ng spokesman ng DOH na si Lyndon Lee Suy ang mamamayang Pilipino na tumulong sa pagpuksa ng Dengue sa pamamagitan ng pagtanggal at paglilinis ng lahat ng maaaring pamugaran ng lamok.
ANO NGA ba ang Dengue at paano ito kumakalat?
Ang lamok na Aedes aegypti ang pangunahing tagapagdala ng Dengue. Ang virus ay naililipat sa tao sa pamamagitan ng kagat ng babaeng lamok na nagdadala ng virus. Karaniwang naninirahan sa mga siyudad at sa mga basyong walang laman ang lamok na ito. Karaniwan din na sa araw kung ito’y mangagat. Ang pinakamataas na insidente ng pangangagat ng lamok na ito ay sa umaga at bago magtakip-silim. Makikilala ang lamok na Aedes aegypti sa mga puti at itim na guhit nito sa katawan. Mala-zebra ang kulay nito. Dahil sa oras ng pangangat ay mas pinag-iingat ang mga batang nasa eskwelahan sa mga oras na ito.
Ang Dengue ay isang malalang karamdaman na karaniwan ay napagkakamalang trangkaso. Bata man o matanda ay maaaring magkaroon nito ngunit bihira naman ang mga namamatay sa sakit na Dengue. Kung ang isang tao ay may mataas na lagnat (39°C – 40°C) na may kasamang matinding sakit ng ulo, pagkahilo, pagsusuka, at rashes ay isangguni kaagad sa doktor sapagkat maaaring Dengue na ito. Karaniwang tumatagal nang 2 hanggang 7 araw ang mga sintomas nito.
Ang Severe Dengue ay higit na malala kaysa sa ordinaryong Dengue Fever. Dito ay puwedeng magkaroon ng mga komplikasyon tulad ng matinding pagdurugo, hirap sa paghinga, at pagkasira ng mga internal organs. Ang mga senyales na ito ng Severe Dengue ay lalabas tatlo hanggang pitong araw mula nang unang kakitaan ng sintomas ng Dengue Fever ang tao. Sa panahong ito ay mawawala ang lagnat subalit may kakambal na pananakit ng tiyan, pagsusuka, mabilis na paghinga, pagdurugo ng mga gilagid, pagkapagod at pagkabalisa, at dugo sa suka. Ang 24 hanggang 48 oras ng panahong ito ay kritikal sapagkat maaaring mamatay ang maysakit. Sapat na tulong medikal ang kailangan upang maiwasan ang mga komplikasyon o kamatayan.
WALANG GAMOT para sa Dengue.
Ito ay isang virus kung kaya’t nawawala nang kusa ang sakit. Subalit maraming paraan upang maiwasan ang mga komplikasyon nito gaya ng maagang pagdala ng maysakit sa ospital. Doon ay malalapatan ng karampatang lunas na makapagliligtas ng buhay ng pasyente. Sa ospital ay mabibigyan ng tamang dami ng fluids ang maysakit upang hindi tumuloy sa Dengue Shock Syndrome na dulot ng matinding pagdurugo. Mahalagang mapatignan kaagad ang isang taong may mataas na lagnat na higit sa dalawang araw. Mas tumataas ang posibilidad ng maagang paggaling kung maaga ring maikonsulta ang nararamdaman.
Sa ngayon ay wala pa ring bakuna laban sa Dengue. Subalit patuloy ang mga doktor at mga siyentipiko sa pag-aaral ukol dito upang mapabilis ang pagpuksa sa mapaminsalang sakit na ito.
HIGIT NA mainam kung mapipigilan ang pagkalat ng Dengue. Maraming paraan upang hindi na dumami pa ang lamok na nagkakalat ng sakit na ito. Narito ang ilang halimbawa:
- Itapon ang mga naipong tubig sa mga lumang gulong, basurahan, flower vase, mga basyo ng bote, atbp. Ito ay paboritong pamugaran ng lamok.
- Linisin ang mga madidilim at maalikabok na lugar sa loob ng bahay.
- Magsuot ng pantalong at long sleeves lalo na kung maraming lamok sa pupuntahan.
- Gumamit ng insect repellant upang lumayo ang mga lamok. Higit na mahalaga ito sa mga bata na mahilig maglaro kung saan-saan.
- Gumamit ng mosquito net o kulambo kapag natutulog. Kung walang kulambo ay maaari ring magkumot na lamang.
- Linisin ang mga kanal o esterong nakapaligid sa inyong bahay.
- Itaob ang lahat ng mga boto o lalagyan na puwedeng pamahayan ng lamok.
- Sumali sa mga kampanya ng barangay o munisipyo na tumutulong sa pagpuksa ng Dengue sa inyong komunidad.
- Maglagay ng mga halamang Citronella sa loob at paligid ng inyong bahay
- Siguraduhin na walang naiipong tubig sa mga alulod
ANG DENGUE ay isang sakit na maiiwasan sa tamang pag iingat at pagiging malinis sa kapaligiran. Ang pagpuksa ng sakit na ito ay hindi magagawa lamang ng isang indibidwal kundi ng isang lipunang alam ang mga pasakit na dala ng malubhang karamdamang ito. Mahirap at masalimuot ang pinagdaraanan ng isang pasyenteng may Dengue, bukod sa magastos ang maospital para rito. Kung ang lahat ng tao ay magtutulungan at mag-aambag sa pagpuksa nito ay siguradong-siguradong mapupuksa rin ang delubyo ng dengue.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.
Shooting Range
Raffy Tulfo